SASALUBUNGIN ng power industry na puno ng pananabik ang susunod na administrasyon dahil sa mga pangako at plano ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pababain ang presyo ng koryente at dagdagan ang suplay ng power sa bansa.
Noon pa man, isa na sa mga tinitingnang solusyon sa naturang problemang kakulangan sa suplay ng koryente ang nuclear energy upang mabawasan din ang dependence ng bansa sa coal at langis. Sa katunayan, ang Pilipinas ang pinakaunang bansa sa Southeast Asia na naging bukas sa nuclear energy nang maitayo ang $2.2-bilyon Bataan Nuclear Power Plant noong 1973 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang lutasin ang krisis sa langis.
Sa kasamaang-palad, hindi natuloy ang pagbubukas nito dahil sa isyu sa kaligtasan at waste disposal management.
Noong mga sumunod na taon, dumami ang mga bansa sa mundo na tumangkilik sa nuclear energy use. Batid din nilang ang naturang source ng koryente ay talagang maaasahan at hindi nakasasama sa kalikasan, ‘di tulad ng coal at langis.
Sa kasalukuyan, nasa 450 nuclear power plants ang nagpo-produce ng 10 porsiyento ng global energy mix. Sa 450 na ito, nasa 100 ang matatagpuan sa Estados Unidos na siyang nagsusuplay ng 20 porsiyento ng kanilang energy requirement. Ilan ding bansa sa Asya ang kasalukuyang gumagamit ng nuclear power katulad ng Tsina, Japan, South Korea, Taiwan at India.
Sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, tila nagkaroon din ng pagsulong para sa nuclear industry nang aprubahan nito ang isang Executive Order upang isama ang paggamit ng nuclear energy sa Pilipinas. Ito rin ang nagbigay ng utos sa Department of Energy upang gumawa ng pre-feasibility study sa adoption ng nuclear energy, pati na ang paggawa ng mga rekomendasyon sa paggamit ng BNPP at iba pang mga pasilidad tungo sa nuclear power advancement.
Ang pagiging bukas ng kasalukuyan at susunod na administrasyon sa paggamit ng nuclear energy ay isang welcome development dahil labis nitong matutulungang lutasin ang problema ng Pilipinas sa kakulangan ng power suplay sa kabila ng ongoing moratorium laban sa pagtatayo ng mga panibagong power plant. Ayon pa nga sa mga balita, ang BNPP marahil ang siyang magsusuplay ng nasa 10 porsiyento ng ating energy requirement sakaling pormal itong pasinayanan.
Ang Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalking distribyutor ng kuryente sa Pilipinas, ay nagpahayag na rin ng suporta sa paggamit ng nuclear energy sa pamamagitan ng pangako nitong pagkokontrata ng suplay sakali mang magkaroon ng oportunidad para sa teknolohiyang ito.
Bukas na ang Pilipinas para sa nuclear power. Kailangan na lamang nating pagtuunan ito ng pansin, magsagawa ng edukasyon, public discourse, at government reinforcement upang masimulan ito.
Tumatakbo ang oras. Ang nuclear energy ay isa sa mga energy source ba pinakamatagal ng naitayo, nararapat lamang na masimulan ng susunod na pamahalaan sa lalong madaling panahon ang paggawa ng mga legal at regulatory framework para sa deployment nito.
Kabilang na rito ang pagresolba sa mga noo’y naging isyu sa kaligtasan, waste disposal management, pamamahala ng radioactive waste na maaaring ma-generate sa paggamit ng nuclear energy, at kasiguraduhan na ang mga lokasyon ng mga planta ay ligtas sa anumang sakuna katulad ng bagyo o lindol.