HUMIHINGA pa ang Denver Nuggets sa kanilang first round playoff series kontra Utah Jazz.
Ito ay kasunod ng sensational performance ni Jamal Murray na naging sandigan ng Denver upang kunin ang 117-107 panalo sa Game 5 noong Martes sa Orlando (US time).
Ang hard-earned triumph ay nagbigay-daan upang makaiwas ang Nuggets sa pagkakasibak kung saan natapyas nila ang bentahe ng Utah sa best-of-seven series sa 3-2.
Nagbuhos si Murray, na nagtala ng 50 points sa kanilang Game 4 loss, ng 42 points, 8 rebounds, at 8 assists. Nagdagdag si Nikola Jokic ng 31 points, kabilang ang dagger three-pointer mula sa pasa ni Murray, may 23 segundo ang nalalabi.
Umabante ang Jazz, target na tapusin na ang serye, ng hanggang 15 points sa third quarter makaraang ilagay ng triple ni Mike Conley ang talaan sa 71-56. Subalit humabol ang Nuggets at naibaba ang kalamangan sa apat na puntos, 86-82, papasok sa final period.
Ang back-and-forth game ay tabla sa 101, may 3:46 sa orasan mula sa free throw ni Rudy Gobert, at dito nagbida si Murray para sa Denver.
Umiskor siya ng apat na sunod na buckets — kabilang ang isang jumper na nagbigay sa Nuggets ng kalamangan, may 3:22 sa orasan.
Isang step back jump shot niya sa 1:20 mark ang naglagay sa talaan sa 110-101 para sa Denver, kung saan pinatahimik ng kanilang depensa sina Utah’s Donovan Mitchell at Conley.
CLIPPERS 154, MAVERICKS 111
Nalusutan ni Paul George ang kanyang problema sa shooting upang pangunahan ang Los Angeles Clippers sa panalo kontra Dallas Mavericks sa Game 5 ng kanilang Western Conference first-round playoff series.
Makaraang umiskor lamang ng 9 points sa kanilang overtime loss sa Game 4, kumamada si George ng 35 points sa Game 5, sa pagbuslo ng 12-of-18 mula sa field, kabilang ang four-of-eight mula sa 3-point area.
Ito ang kanyang pinakamagandang performance sa postseason sa kasalukuyan, at nakatulong ito upang mabawi ng Clippers ang kontrol sa series.
Angat ngayon ang Los Angeles sa 3-2, kung saan nasa panig nila ulit ang momentum matapos na matalo sa Game 4.
Tumipa si Luka Doncic, na sinelyuhan ang 40-point triple-double sa pagsalpak ng game-winner sa Game 4, ng 22 points, 8 rebounds, at 4 assists. Nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 19 points para sa Dallas.
Comments are closed.