NUGGETS DUMALAWA; GRIZZLIES, BUCKS TUMABLA

NAGBUHOS si Jamal Murray ng 40 points, nagsalansan si Nikola Jokic ng 27 points, 9 rebounds at 9 assists at dinispatsa ng host Denver Nuggets ang Minnesota Timberwolves, 122-113, sa Game 2 ng kanilang first-round Western Conference playoff series nitong Miyerkoles.

Abante ang Nuggets sa series, 2-0, papasok sa Game 3 sa Minneapolis sa Biyernes.

Umiskor si Michael Porter Jr. ng 16 points, tumipa si Aaron Gordon ng 12 points at 10 rebounds at tumapos si Jeff Green na may 11 points para sa Denver.

Nagtala si Anthony Edwards ng franchise-playoff-record 41 points para sa Timberwolves, bumuslo

ng 14 of 23 shots, kabilang ang 6 of 10 mula sa 3-point range. Kumubra si Rudy Gobert ng 19 points, kumabig si Mike Conley ng 14 points, gumawa si Taurean Prince ng 12 points, nag-ambag si Karl-Anthony Towns ng 10 points at 12 rebounds at nagposte rin si Kyle Anderson ng 10 points.

Umiskor ang Minnesota ng 40 points sa third quarter upang umabante sa 89-87 papasok sa fourth. Bumanat ang Denver ng 8-0 run sa pagsisimula ng final quarter, kinuha ang 95-89 bentahe, subalit kumana si Edwards ng 7 points sa 10-3 surge upang bigyan ang Timberwolves ng 99-98 kalamangan, may 6:55 ang nalalabi.

Sumagot si Porter ng isang 3-pointer, sumablay ang Minnesota sa sumunod na tatlong tira at tatlong free throws ng Nuggets ang naglagay sa talaan sa 104-99, may 5:33 sa orasan.

Ipinasok ni Conley ang isang running bank shot, subalit pinasahan ni Jokic si Gordon sa isang alley-oop at isinalpak ni Porter ang isang mid-range jumper upang ilagay ang iskor sa 108-101.

Isinalpak ni Edwards ang dalawang free throws bago ipinasok ni Murray ang isa pang 3-pointer at isang 12-footer para sa 10-point game, may 3:14 ang nalalabi.

Umiskor sina Conley at Edwards ng 3-pointers upang makalapit ang Minnesota sa 115-109 bago sumagot si Murray ng isa mula sa arc. Isinalpak ni Edwards ang isang 20-footer, subalit isa pang Jokic-Gordon alley-oop ang nagselyo sa panalo.

Grizzlies 103, Lakers 93

Humataw si Xavier Tillman ng career-high 22 points at kumalawit ng 13 rebounds at nalusutan ng Memphis Grizzlies ang pagliban ni injured Ja Morant upang mamayani sa bisitang Los Angeles Lakers.

Sa panalo ay itinabla ng Grizzlies ang best-of-seven, first-round Western Conference playoff series sa 1-1.

Tumapos si Jaren Jackson Jr. na may 18 points, 9 rebounds at 3 blocked shots at nagdagdag si Desmond Bane ng 17 points para sa second-seeded Grizzlies.

Umiskor si Luke Kennard ng 13 points, nagposte si Dillon Brooks ng 12 at gumawa si Tyus Jones ng 10 points, 8 assists at 6 rebounds.

Nagposte si LeBron James ng 28 points at 12 rebounds at nagdagdag si Rui Hachimura ng 20 points mula sa bench para sa seventh-seeded Lakers. Nagsalansan si Anthony Davis ng 13 points, 8 rebounds at 5 blocked shots at kumabig si Austin Reaves ng 12 points para sa Los Angeles.

Nakatakda ang Game 3 sa Sabado ng gabi sa Los Angeles.

Bucks 138, Heat 122

Binalewala ng top seeds Milwaukee ang injury absence ni Giannis Antetokounmpo upang ibasura ang Miami Heat at itabla ang kanilang best-of-seven Eastern Conference series sa 1-1.

Nagtala sina Brook Lopez at Jrue Holiday ng pinagsamang 49 points, nag-step in si Bobby Portis para kay Antetokounmpo at nag-ambag ng double-double para sa Milwaukee.

Apat na iba pang Bucks ang umiskor ng hindi bababa sa 16 points. Lilipat ang serye sa Miami para sa Games 3 at 4 simula sa Sabado.