NUGGETS PINAPAK NG JAZZ

KUMANA si Donovan Mitchell ng 31 points, balik-aksiyon si Rudy Gobert na may 18 points at 19 rebounds, at pinataob ng bisitang Utah Jazz ang Denver Nuggets, 125-102,  Linggo ng gabi.

Umiskor si Bojan Bogdanovic  ng 21 points para sa Utah, habang nagdagdag si Jordan Clarkson ng 16, tumapos si Royce O’Neale na may 11 at nagtala si Eric Paschall ng 10.

Lumiban si Gobert sa huling limang laro dahil sa health and safety protocol at nahirapan ang Jazz sa kanyang pagkawala. Natalo ang Utah ng apat na sunod at nakopo ang kanilang unang panalo magmula nang magwagi sa Denver noong Jan. 5.

Nakakolekta si Nikola Jokic ng 25 points, 15 rebounds at 14 assists para sa Nuggets. Kumubra si Aaron Gordon ng 20 points, tumirada si Will Barton ng 16 at tumipa sina Bones Hyland at Monte Morris ng tig-13.

TIMBERWOLVES 119,

WARRIORS 99

Kumamada si Karl-Anthony Towns ng 26-point, 11-rebound double-double, at sinamantala ng host Minnesota ang pagliban nina Golden State stars Stephen Curry at Draymond Green upang iposte ang panalo sa Minneapolis.

Nagtuwang sina Jaylen Nowell (17 points) at Malik Beasley (16) para sa walong  3-pointers mula sa bench, upang tulungan ang Timberwolves na manalo sa ika-5 pagkakataon sa kanilang huling pitong laro.

Pinauwi ng Warriors, naglaro na wala si  Green (strained lower back/calf) sa lahat ng apat na laro sa kanilang 1-3 trip, si Curry dahil sa right-hand soreness na kanyang naranasan sa panalo noong Biyernes sa Chicago. Nagbuhos si Jordan Poole ng 20 points upang pangunahan ang Golden State.

SUNS 135,

PISTONS 108

Kumubra si Devin Booker ng 30 points sa loob ng 30 minuto nang dispatsahin ng bisitang Phoenix ang Detroit.

Gumawa si Booker ng 11 of 18 field-goal attempts at inilabas sa fourth quarter. Nagsalansan si teammate Cameron Payne ng 20 points, 5 rebounds at 5 assists, at nagtala si fellow reserve JaVale McGee ng 20 points sa 9-of-10 shooting mula sa field.

Napatalsik sa laro si Detroit’s Cade Cunningham, ang top pick sa 2021 draft, makaraang mabigyan ng dalawang technicals sa  third quarter.

Sa iba pang laro ay natakasan ng Rockets ang Kings, 118-112.