NAGBUHOS si Nikola Jokic ng 28 points, 17 rebounds at 12 assists upang pangunahan ang host Denver Nuggets sa 112-109 panalo kontra Minnesota Timberwolveson, at tapusin ang kanilang first-round Western Conference playoff series sa limang laro Martes ng gabi.
Umiskor si Jamal Murray ng 35 points, nagdagdag sina Bruce Brown at Aaron Gordon ng tig-14 at kumalawit si Michael Porter Jr. ng 10 rebounds para sa Denver. Ang top-seeded Nuggets ay umusad sa Western Conference semifinals sa ika-4 na pagkakataon sa limang seasons.
Tumabo si Anthony Edwards ng 29 points, nag-ambag si Karl-Anthony Towns ng 26 points at 11 rebounds at nagtala si Rudy Gobert ng 16 points at 15 rebounds para sa eighth-seeded Timberwolves. Tumapos si Nickeil Alexander-Walker na may 14 points at nagdagdag si Taurean Prince ng 13 points.
Tabla ang laro sa 102-102 nang kontrolin ni Jokic ang huling 1:30. Isinalpak niya ang dalawang free throws, umiskor mula sa kanyang sariling mintis at ipinasok ang isang three-point play upang ilagay ang talaan sa 109-104, may 28.1 segundo ang nalalabi.
Hawks 119, Celtics 117
Tinampukan ng 3-pointer ni Trae Young, may 1.8 segundo ang nalalabi, ang kanyang 38-point performance at nanatiling buhay ang Atlanta Hawks nang maungusan ang host Boston Celtics sa Game 5 ng kanilang Eastern Conference first-round playoff series.
Naitala ni Young ang huling 14 points ng Atlanta, na naglalaro na wala si league-suspended Dejounte Murray makaraang magkaroon ng contact sa isang opisyal sa pagtatapos ng kanilang huling laro.
Ang Boston ay may 3-2 lead ngayon sa series. Nakatakda ang Game 6 sa Huwebes sa Atlanta.
Nagdagdag si Young ng 13 assists at pares ng steals. Kumubra si John Collins ng 22 points at nag-ambag si Bogdan Bogdanovic ng 18.
Naiposte ni Boston’s Jaylen Brown (35 points) ang kanyang ikalawang sunod na 30-plus-point game.
Kumabig si Jayson Tatum ng 19 points, 8 rebounds at 8 assists, at nagdagdag si Derrick White ng 18 points para sa Celtics.