PATULOY ang Choco Mucho Flying Titans sa pagpapalakas sa kanilang lineup sa pagkuha sa isa pang Perlas Spiker.
Inanunsiyo ng Flying Titans sa kanilang social media platforms noong Miyerkoles na pumirma na sa koponan si middle blocker Cherry Nunag.
Ang hakbang ay isinagawa isang araw makaraang ihayag ng Choco Mucho ang pagkuha kay Jem Ferrer, na nagmula rin sa Perlas.
Ang Perlas ay tumapos sa ika-9 na puwesto sa 10 koponan na sumabak sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kamakailan, na may isang panalo sa siyam na laro.
Palalakasin ni Nunag ang frontline ng Choco Mucho kasama sina Maddie Madayag, Bea de Leon, at Kat Tolentino.
Si Nunag ay itinanghal na second-best middle blocker ng 2019 Premier Volleyball League Reinforced Conference noong naglalaro pa siya para sa PetroGazz.
Target ng PVL na buksan ang bagong season nito sa first quarter ng 2022.