OBIENA BUMAWI, NAKA-GOLD SA BERLIN

TATLONG araw makaraang mangulelat sa Zurich leg ng Diamond League, bumawi si Filipino pole vault star EJ Obiena nang masungkit ang gold medal sa Internationales Stadionfest (ISTAF) Berlin na idinaos sa Olympiastadion sa Germany noong Linggo.

Na-clear ni Obiena ang 5.92 meters sa kanyang third attempt upang tumapos sa unang puwesto laban kay Sondre Guttormsen ng Norway, na nabigong maabot ang marka sa tatlong pagtatangka.

Sa kanyang best mark na 5.82 meters ay nagkasya si Guttormsen sa ikalawang puwesto, kasunod si American KC Lightfoot, na na-clear din ang 5.82-m subalit pumangatlo matapos ang countback.

Tinangka ni Obiena na burahin ang kanyang sariling personal best subalit nabigo sa tatlong pagtatangka na ma-clear ang 6.01-m.