MAKARAANG dominahin ang ilang nakalipas na torneo, tumapos si Filipino Olympian at pole vaulter EJ Obiena sa ikalawang puwesto sa ISTAF Berlin tournament sa Germany nitong Linggo.
Na-clear ni Obiena ang 5.81 meters upang pumangalawa kay Meno Vloon ng Netherlands na na-clear ang 5.88 meters.
Nag-skip si Obiena sa 5.88m mark at dumiretso sa 5.95, na hindi nila na-clear ni Vloon.
Na-clear din ni Australian Kurtis Marschall ang 5.81 meters ngunit nagkasya sa ikatlong puwesto dahil nakumpleto niya ito sa tatlong attempts.
Sa isang post, sinabi ni Obiena na patuloy niyang pag-iigihan ang kanyang mga laban.
“A few more competitions before we call it a season. Let’s keep pushing and keep fighting,” aniya.
Si Obiena ay galing sa pagwawagi ng gold sa Brussels leg ng Diamond League kung saan tinalo niya si world no. 1 Armand Duplantis.
Susunod na sasabak ang Pinoy pole vaulter sa Liechtenstein sa September 11.