OBISPO, MAY LAST SAY SA PAGBITBIT NG BARIL NG MGA PARI

CBCP

NAGPAALALA  ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga paring Katoliko na hindi sila maaaring magbitbit ng baril kung walang pahin­tulot ng kanilang mga Obispo.

Ito’y kasunod ng ulat ng Philippine National Police (PNP) na may 188 pa­ring Katoliko at 58 ministers at pastors ang nag-a-applay sa kanila ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR), si­mula pa Hunyo 2017 hanggang sa kasalukuyan.

Ayon naman kay CBCP vice president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang local ordinaries pa rin ang may ‘last say’ kung papayagan ba nilang magdala ng baril ang kanilang mga pari.

Maging ang mga pari  na nagsisilbi bilang military ordinariate ay kinakaila­ngan pang humingi ng pahintulot sa obispo, bago makapagbitbit ng armas.

“Let’s see if there’s a single bishop who would allow them to do so,” ani David, na muling nanindigan na hindi dapat na mag-armas ang mga pari.

“It is those priests themselves who are duty-bound to seek permission from their bishops to carry firearms. Even the priests serving in the Military Ordinariate need their bishop’s permission to carry firearms,” paliwanag pa ng CBCP official.

Matatandaang ilang miyembro na ng CBCP ang tumanggi sa ideya na magdala ng baril ang mga pari kahit pa ang layunin nito ay protektahan ang kanilang sarili.

Tutol din dito ma­ging ang Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), dahil taliwas umano ito sa paniniwala nila na ang kailangan sa lipunan ay kapayapaan at hindi karahasan.

“That would only attract violence as violence attracts violence,” ayon pa kay Bishop Noel Pantoja, national director ng PCEC.

“Carrying guns won’t be necessary as it is the Lord who will protect us,” aniya pa.

Matatandaang naging mainit ang isyu kung dapat ba o hindi na magdala ng baril ang mga pari, matapos ang sunod-sunod na pamamaril sa apat nilang kapwa pari na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo sa ka-nila.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.