NANANAWAGAN si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa pamahalaan at sa iba pang sektor na mag-tulungan upang mapanatili at mapalakas ang karapatan ng Filipinas sa mga pagmamay-aring isla.
Ayon kay Bacani, isa sa mga miyembro ng 1987 Constitutional Commission, na dapat magkaisa ang mga Filipino sa paninindigan sa mga teritoryong napapaloob sa exclusive economic zone ng bansa.
Ang pahayag ay ginawa ng Obispo bilang reaksiyon sa ulat na nakatanggap ng mensahe na ‘Welcome China at Welcome Vietnam’ sina Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana at ilang kasamahan na nagtungo sa Kalayaan Island.
Inirekomenda rin ni Bacani na magtulungan ang lahat ng sektor para mapalakas ang signal ng telekomunikasyon sa lugar bilang isa sa mga pamamaraan at palatandaan na pag-aari ito ng mga Filipino.
“Hari nawa naman gumawa ng paraan ang gobyerno at ang mga businessmen din natin upang ang signal natin doon ay lumakas; ‘yung mga cellphone natin ay magagamit doon sa lugar [Kalayaan Island],” aniya pa sa pahayag sa church-run Radio Veritas.
Nitong Martes, Hunyo 9, nagtungo si Lorenzana at ilang opisyal ng Sandatahang Lakas kasabay ng paglunsad ng beaching ramp na bahagi ng mahigit sa P200 milyong proyekto na makatutulong mapaunlad ang kabuhayan ng ilang residente sa Municipality of Kalayaan.
Tiniyak naman ni Bacani na nakahanda ang simbahang Katolika na maglingkod sa Kalayaan Island lalo’t higit kung may komunidad ng mga Katoliko sa lugar na dapat pangalagaan.
“Kahit saan na may mga tao lalo’t Katoliko mag-outreach talaga ang simbahan,” saad ni Bishop Bacani. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.