OBRERO AT MASAHISTA ISINELDA SA DROGA

shabu

PASAY CITY – TIMBOG sa buy bust ope­ration ng Pasay City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang isang construction worker at isang masahista na parehong nasa drug watchlist ng pulisya kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Pasay police chief Colonel Bernard Yang ang mga arestadong suspek na sina Ricky Rosagas alyas Kuya, 46, residente ng 1120 Hyacinth St., at Catherine Bareja alyas Kuting, 37-anyos, pawang nasa Brgy. 184 Zone 19, Maricaban, Pasay City.

Base sa report na isinumite kay Yang ng hepe ng SDEU na si P/Capt. Deni Mari Pedrozo, naisagawa ang buy-bust operation bandang alas-9:40 ng gabi ka­makalawa sa mismong bahay ni Rosagas.

Nauna rito, nakatanggap ng impormas­yon si Pedrozo tungkol sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kung kaya’t nagkasa ang tropa ng SDEU ng buy-bust ope­ration na nagdulot ng pagkakaaresto sa mga suspeck.

Nakumpiska sa posesyon ng mga suspects ang 8 plastic sachets na naglalaman ng hinihina­lang shabu at ang marked money na P1,000 na ginamit sa naturang operas­yon.

Nasaksihan nina Teddy Rosales at Jesus Fernandez, kapwa Barangay Kagawad, at Eric Jason Drew ang pag-iimbentaryo ng mga nakumpiskang droga sa mga suspek.

Ang mga nakum­piskang shabu na tumi­timbang ng 35.2 gramo at nagkakahalaga ng P239,360 ay dinala sa SPD Crime Laboratory para dumaan sa chemical analysis.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa SDEU custodial facility habang inihahanda ang pagsasampa sa kanila ng kasong paglabag sa RA 9165 o anti-drugs law. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.