TUMAAS ang remittances mula sa overseas Filipinos noong Marso matapos ang monthly decline na naitala noong Pebrero, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos na inilabas ng BSP, ang cash remittances o ang perang ipinadala sa pamamagitan ng mga bangko o formal channels ay nasa $2.738 billion noong Marso, tumaas mula sa $2.646 billion noong Pebrero, at mas mataas ng 2.5% kumpara sa $2.671 billion noong Marso 2023.
Year-to-date, ang cash remittances ay naitala sa $8.219 billion, tumaas ng 2.7% mula $8.002 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“The growth in cash remittances from the United States, Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE), and Singapore contributed mainly to the increase in remittances in Q1 2024,” ayon sa BSP.
Ang US ang bumubuo sa 41.2% ng remittances para sa quarter, kasunod ang Singapore na may 7.2%, Saudi Arabia na may 5.9%, Japan na may 5.0%, United Kingdom na may 4.4%, UAE na may 4.3%, Canada na may 3.2%, Qatar at Taiwan na may tig-2.8%, Hong Kong na may 2.5%, habang ang nalalabing 20.7% ay nagmula sa iba pang mga bansa.
Samantala, ang personal remittances — ang kabuuan ng ipinadalang pera o in-kind via informal channels — ay nasa $3.051 billion noong Marso, tumaas mula $2.946 billion noong Pebrero at mas mataas ng 2.6% kumpara sa $2.973 billion sa kaparehong buwan noong 2023.
“The increase in personal remittances in March 2024 was due to remittances from land-based workers with work contracts of one year or more and sea- and land-based workers with work contracts of less than one year,” paliwanag ng BSP.
Year-to-date, ang personal remittances ay naitala sa $9.151 billion, tumaas ng 2.8% mula $8.905 billion sa kaparehong panahon noong 2023.