QUIRINO – HUMINGI ng tulong ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Philippine Overseas Labor Office at Overseas Worker Welfare Administration (POLO-OWWA) dahil sa umano’y hindi magandang trato ng kaniyang mga nagiging amo sa bansang Riyadh Saudi Arabia.
Ang OFW na si Liezel Domingo Artates, 31, na residente ng Barangay Magsaysay, Saguday, Quirino, ay nananawagan lalo na kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siya ay tulungang makauwi dito sa Filipinas dahil labis na siya umanong nag-aalala sa kanyang kaligtasan.
Ayon kay Jerry Bern Layco, ng Rizal Saguday Quirino na kasalukuyang nagtratrabaho sa Riyadh Saudi Arabia bilang chocolate designer, siya ay hiningan ng tulong ng biktima, upang ipaalam sa pamunuan ng POLO at OWWA na iligtas sa mga amo si Artates na hindi maganda ang trato sa kanya.
Magugunitang si Artates ay isang taon na sa Saudi Arabia bilang domestic helper at anim na beses nang pinagpasa-pasahan ng iba’t ibang amo at hindi pa umano naibibigay ang kanyang pinaglilikurang sahod.
Hindi na umano ito nakakakain at nakakatulog nang maayos dahil sa pagbabanta ng kaniyang mga nagiging amo na ipakukulong sa oras na magsumbong at bukod pa rito ay madalas na ipinakikita pa raw ng anak na lalaki ng kanyang amo ang ari nito sa kanya.
Nakikipag-ugnayan na rin ang POLO-OWWA sa amo ni Artates at kung hindi makikipagtulungan ay handa ang ahensya na puwersahang kunin ang biktima kasama ng mga pulis, upang maiuwi na ang biktima sa kanyang pamilya. IRENE GONZALES
Comments are closed.