PINAG-IINGAT ng Bureau of Immigration (BI) ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nagnanais magtungo sa ibang bansa na iwasan ang sindikato ng human traffickers at illegal recruiters upang makaiwas sa problema.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, ito ay batay sa pahayag ni BI Commissioner Jaime Morente, makaraang harangin o hindi pinayagan ng immigration ang dalawang babae na makalabas ng bansa dahil sa pagsisinungaling sa edad.
Nakarating sa pamunuan ng Immigration ang sinapit ng dalawang babae, na itinago sa isang safe house sa Paco, Manila sa loob ng dalawang buwan bago ipa-book sa kanilang flights.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Morente sa kanyang mga tauhan sa port operations division (POD) at sa travel control and enforcement unit (TCEU) na magsagawa ng strict profiling at inspection lalo na sa mga papalabas na mga pasahero upang hindi makalusot ang mga menor de edad na magtatrabaho bilang mga OFW.
Ayon kay Sandoval, ito ay may kinalaman sa pagka-intercept noong Setyembre 21 ng dalawang 19 at 20-anyos na mga babae sa NAIA terminal 2 bago makasakay sa kanilang connecting flight papuntang Dubai, Saudi Arabia.
Nadiskubre ng mga immigration officer na pinalsipika ng dalawa ang kanilang kapanganakan o birth dates upang ma-meet nila ang age requirements na 23 para makapasok bilang mga household service workers.
Ayon sa salaysay ng dalawa, nakamit nila ang age requirements na 26, ngunit sa nangyaring imbestigasyon ng mga taga-immigration ay inamin din ng mga ito na sila ay pawang mga menor de edad, at nagawa nila ito para makapagtrabaho sa ibang bansa nang makatulong sa pamilya.
Nabatid ni BI-TCEU chief Timotea Barizo sa dalawa na ikinulong sila ng dalawang buwan sa isang safe house ng nag-recruite sa kanila, at tinuruan ng kanilang handlers sa mga isasagot sa immigration officers sa NAIA.
Pahayag ni Barizo na karaniwang ginagawa ito ng sindikato sa kanilang mga nagiging biktima kung saan iha-house ng dalawang buwan upang turuan sa mga isasagot sa immigration officers sa airport bago pinaalis.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Morente ang mga OFW na makipag-transaction sa mga legitimate agencies na accredited ng Philippine Overseas Employment Administration. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.