ILOILO – LABIS ang pasasalamat ng isang overseas Filipino worker (OFW) nang makasama sa mahigit 50 na naisalba sa pagtaob ng MB Jenny Vince sa Guimaras-Iloilo Strait kamakailan.
Sa pahayag ni Mark Angelo Subaldo ng Tacurong City, Sultan Kudarat at isang school coordinator sa Abu Dhabi, 10 silang pumunta sa Buenavista, Guimaras upang magbakasyon at bisitahin ang kanilang kaibigan.
Bago sila sumakay ng bangka papuntang Iloilo City, nagdadalawang-isip pa ang mga ito dahil masama ang panahon.
Gayunman, humupa ang ulan kaya pinahintulutan ang pagbiyahe ng pump boat.
Sampung minuto pa lamang na nakaaalis ang kanilang sinasakyang motorbanca, biglang lumakas ang ulan at hangin at hinampas ng malalaking alon ang kanilang bangka at tuluyang+ tumaob.
Aniya, narinig pa niya ang sigawan ng kasamahan niyang mga pasahero habang nasa tubig at nasa loob ng tumaob na bangka.
Tinanggal ni Subaldo ang kanyang suot na life jacket at lumangoy kasama ang iba pang kasamahan hanggang ma-rescue. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM