OFWs DAGSA NA SA POEA

MANDALUYONG CITY – NAGSIMULA nang dumagsa ang libo-libong Pinoy na nais ma­ging overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang partial lifting ng deployment ban sa naturang bansa.

Ikinatuwa ng mga migranteng manggagawa  na nais maghanap ng trabaho sa Kuwait ang partial lifting ng deployment ban kasunod na rin ng ni­lagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng labor officials ng Kuwait at Department of Labor and Employment (DOLE) ng Pilipinas.

Ito ang dahilan kaya dumagsa agad sa POEA ang mga nais maging overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait partikular ang mga skilled at semi killed worker.

Martes nang ianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tinanggal na ang ban sa mga skilled at semi-skilled worker na nais mag-Kuwait.

Matatandaan na noong Pebrero, nagdeklara ng total ban si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa serye ng pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait, kabilang na ang kaso ni Joanna Demafelis na natag­puang patay sa loob ng freezer.

Bunsod ng nilagdaan MOU na naglalayong mabigyan ng proteksiyon ang libo-libong OFWs ay muling naging mabuti ang ugnayan ng Pilipinas at Kuwait.

Nakapaloob sa memorandum of understanding ang paglalagay ng 24/7 hotline na puwedeng tawagan ng mga inabusong Pinoy.

Nananatiling umiiral ang ban sa household services o domestic helpers.   VERLIN RUIZ

Comments are closed.