SAN JUAN CITY – NAGPAALALA ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga balik-manggagawa o ang mga mangga-gawang Filipino na babalik sa kanilang trabaho sa paggamit ng pekeng dokumento sa kanilang pag-aaplay ng exit clearance o ng overseas employment certificate (OEC).
Iniulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuala Lumpur na may isang Gina Leyson Erana ang nagbibigay ng pekeng employment contract, passport, visa, at iba pang kinakailangang dokumento sa mga Filipinong nagtatrabaho ng ilegal sa Malaysia na nagnanais makakuha ng OEC sa Filipinas.
Sa tala ng POLO Malaysia may isang kaso ng hindi-dokumentadong manggagawa ang umalis ng Filipinas patungong Malaysia gamit ang pekeng dokumento mula kay Erana.
Dating may facebook account si Erana sa pangalang “Juvica A. Pudun” kung saan kanyang inaanunsiyo ang mga pekeng bakanteng trabaho at nag-aalok ng “documentation services” sa mga Filipino, partikular sa mga household service worker na ilegal na nagtatrabaho sa Malaysia.
Dinakip siya ng mga awtoriad ng Malaysia dahil sa pagiging ilegal na migrante at pina-deport sa Filipinas. Gayunpaman, hinihinala na bumalik si Erana ng Malaysia at patuloy na nagsasagawa ng mga ilegal na gawain gamit ang ibang Facebook account.
Pinaalalahanan ng POEA ang mga umuuwing manggagawang Filipino na huwag kunin ang serbisyo ng mga taong gumagawa ng pekeng dokumento. Makakasuhan ang mga OFW na magsusumite ng pekeng impormasyon o dokumento ng suspensiyon o permanenteng diskuwalipikasyon sa mga overseas employment program. PAUL ROLDAN
Comments are closed.