SINABI ng Land Transportation Office (LTO) na ang nalalabing plastic cards para sa driver’s license sa kanilang imbentaryo ay ilalaan sa mga paalis na overseas Filipino workers (OFWs).
Sa pagtaya, may 53,000 plastic cards na lamang ang natitira sa lahat ng LTO satellite offices sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LTO officer-in-charge Hector Villacorta na inatasan na niya ang ahensiya na iprayoridad ang mga paalis na OFWs dahil kailangan nila ito sa trabaho.
“Baka hindi tanggapin ng Saudi o Middle East o kung saan man ‘yung papel. Eh pupunta sila sa abroad para magtrabaho pero ‘yung lisensya baka hindi paniwalaan eh. We’re talking to our regional directors to give priority to those traveling na driver ang occupation,” ani Villacorta.
Si Villacorta, ang kasalukuyang Transportation assistant secretary for communication and commuter welfare, ay itinalagang caretaker ng LTO kasunod ng pagbibitiw ni Jay Art Tugade.