OFWs SA SAUDI DAPAT PAGMALASAKITAN-YAP 

REP ERIC YAP

HINDI nagustuhan ni ACT-CIS Cong. Eric Yap ang pag-akusa ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto sa paghahanap ng pagkain ng ilang OFWs sa basurahan doon bilang drawing o gawa-gawa lang para mapansin ng mga viewers ang video nila.

Ayon kay Cong. Yap, na chairman din ng House Appropriations Committee, “Hindi mo trabaho Amb. Alonto na magpuna. Nariyan ka para alagaan at tugunan ang mga kailagan ng mga pinoy sa Saudi”. “Wala siyang karapatan na ipahiwatig na nag-iinarte ang mga kababayan natin doon para mapansin at mapauwi”, ani Yap.

Dagdag pa ni Yap, mas papaniwalaan niya ang video ng mga OFW na nagkakalkal ng ba­sura kaysa sa opinyon ni Alonto na ‘drawing’ o ‘theatrics’ lang ang eksenang ito.

“Tulungan mo na lang at ‘wag ka nang magkomento. Ang kapakanan nila ang asikasuhin mo”, ayon sa mambabatas.

Nag-trending kama­kailan ang video na ilang OFW na naghahanap ng makakain sa basurahan sa Saudi. Paliwanag ng mga OFW sa panayam sa Radyo Pilipinas kamakailan wala na silang trabaho at minsan lang sila naabutan ng ayuda ng embahada noong Abril pa. Pero matapos mag-trending ang video tinutulungan na sila ng mga kapwa Pinoy roon. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.