HINILING kahapon ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa airline companies na bigyang prayoridad ang mga overseas Filipino worker (OFW) para makaalis ng bansa matapos maapektuhan at makansela ang biyahe ng mga ito sa pagsadsad ng Xiamen aircraft sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa press briefing kahapon ay sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na kaniyang pinawi ang pangamba ng mga OFW na mawawalan sila ng trabaho dahil sa pagkaantala ng kanilang biyahe.
Sinabi ni Monreal, naiintindihan naman umano ito ng mga employer dahil wala namang may gusto na mangyari ang kinasangkutang aksidente ng Xiamen aircraft.
Iginiit din nito na responsibilidad ng airline companies ang kanilang mga pasahero kaya hiling nito ang kanilang kooperasyon.
Kinumpirma rin ni Monreal na ang ilang airline companies ay binigyan ng accomodation ang kanilang mga na-stranded na pasahero.
Unti-unti nang bumabalik sa normal ang operasyon sa NAIA Terminal 1 at 2 pero malaki pa rin ang problema sa NAIA Terminal 1.
Batay sa datos ng MIAA nasa 651 international at domestic flights ang naapektuhan.
Magkakasunod na nagsisidatingan sa terminal 1 ang mga international at local flights matapos buksan ang runway 06-24.
Nabatid mula kay Senior Ramp Controllers Algier Ramo at Manny Hortaleza ng NAIA terminal 1, matapos ma-clear ang runway 06-24 ay nagkabuhol-buhol na ang parking area ng terminal1 dahil sa nagsidatingan na mga international flight .
Sinabi ng mga ramp controller na nahirapan sila sa pag-arrange o pagbigay ng instructions sa mga foreign pilot kung saan ipa-park at kung saang bay, habang ang ibang eroplano ay naka-standby sa remote parking ng paliparan.
Ang iba naman ay naghihintay sa taxiway habang naghihintay ng instructions sa mga ramp controller kung saan dapat paparada ang mga ito.
Sinabi naman ni GM Monreal, na noong Sabado ang most crucial day sa airport operation dahil ito ang araw nang bumalik sa normal ang operasyon ng paliparan at lahat ay nagmamadaling maisakay ang kanilang mga na-stranded na pasahero.
Samantala, nadismaya naman ang pamunuan ng PAL ayon sa kanilang spokesperson na si Cielo Villaluna dahil umabot sa 68 ang cancelled flights, at apektado ang 18,810 mga pasahero dahil sa nangyaring aberya. FROI MORALLOS
Comments are closed.