OGIE ALCASID BINUKO SINA PAULO AVELINO AT JANINE GUTIERREZ

PAPUNTANG Amerika si Paulo Avelino para sa “OA sa Love in The USA” concert kung saan guest silang dalawa ni Janine Gutierrez ni Ogie Alcasid. Plano ni Paulo  na dalawin ang anak niyang si Aki at ex-girlfriend na si LJ Reyes na nasa New York, pagkatapos ng concert tour nila nina Ogie sa California.

Since kasama sa biyahe si Janine, tiyak na isasama niya ito sa pagbisita sa anak na si Aki. At paano niya ito ipapakilala?

“Diretso na, ‘Aki nanay mo’,” joke ni Paulo na tinawanan naman ni Janine.

May kakaibang glow ang mukha ni Paulo, at kahit si Janine ay napapangiti tuwing tinutukso silang dalawa. Pareho silang available kaya pwedeng-pwede.

Walang direktang pag-amin ang dalawa kung ano ang status ng relasyon nila sa ngayon, pero sorry na lang dahil nilaglag na sila ni Ogie.

Hindi tuwirang sinabi ng hubby ni Regine na may relasyon na ang dalawa pero reading between the lines ay obvious na may ‘something’ sa kanila.

“Actually, hindi ko rin naman sila masisi, e, kung gusto muna nilang sekretuhin ’yan. Kasi ang sarap kaya nu’n ’yung kayo lang ang nakakaalam, ’di ba?” pambubuko ni Ogie. Walang pakundangang sinabi niyang ramdam niyang may kakaibang pagtitinginan sina Paulo at Janine.

“Sa totoo lang, hindi ko alam pero alam kong may gusto sila sa isa’t isa. ’Yon ang nararamdaman ko, ’yon ang pakiramdam ko,” pagtatapat ni Ogie. “Hindi ko alam kung tama ang nararamdaman ko. ’Yon ang energy na nakukuha ko, e.”

Hayan na. Since ayaw aminin nina Paulo at Janine ang real score sa kanila, inilaglag na sila ni Ogie.

Kung sina Rayver Cruz nga at Julie Anne San Jose ay lantaran na ang ka-sweetan sa isa’t isa, eh bakit hindi rin sina Paulo and Janine para patas lang.

JOLINA MAGDANGAL, NIREGALUHAN NI REGINE NG CINDERELLA SHOES

KILALA si Regine Velasquez-Alcasid sa showbiz na bukas palad at very generous. Tahimik ang Asia’s Songbird tungkol dito, may nakakatanggap ng biyayang hindi makatiis na ibulalas ang kanilang pasasalamat.

Tulad na lang ni Jolina Magdangal na sobrang na-happy sa mala-Cinderella shoes (glass type ang shoes) na natanggap niya mula sa special co-host nila sa ‘Magandang Buhay’ na si Regine.

Sabi ni Jolens, si Regine ang kanyang Fairy Godmother, at hindi sumagi sa kanyang isip na makakatanggap siya ng mamahaling sapatos ni Regine lalo pa’t magkaiba sila ng sukat ng paa.

“Share ko lang…May isang taong very generous. ‘Pag nakita niya na bagay sa taong ito kung anumang gamit meron siya, binibigay nya. At isa na nga ang mga super gaganda at branded shoes niya. May mga kaibigan ako na nabigyan na niya ng shoes kasi magka-size sila. Pare-pareho silang size 6. Kaya sabi ko… naku malabo na ako kasi 4 1/2 ako (Hahaha! Manika lang),” sabay biro pa ni Jolina. “PERO!!!!! Totoo nga ang kasabihang ‘Never lose hope.’ Nung isang araw, pasuot na siya ng napakaganda niyang sapatos, biglang sabi niya sa ‘kin, ‘Sukat mo nga Jolens.’ Bigla akong kinabahan, kaya dinahan-dahan ko ang pagsuot ng sapatos na parang nung sinusuot ‘yung Glass Shoes ni Cinderella, at ang naiisip ko… ‘Ito na yata ang moment ko.'”

Alam ni Jolens na hindi magkakasya sa kanya ang nasabing sapatos dahil magkaiba nga sila ng shoe size pero nagkasya! Sabi raw ni Regine, ‘Sige sa iyo na.”

Muntik daw mapakanta si Jolina ng ‘This is the Moment’ ni Erik Santos.”

“To my Fairy Godmother (at Fairy Godmother ng karamihan) ate @reginevalcasid, maraming salamat!!! ‘Di ako makapaniwalang may nagkasya sa akin na shoes mo kaya nilagay ko siya sa side table ko. I love you Ate!!!” sabi pa ng aktres.

Sagot ni Regine sa kanyang post: “Ang cute mo Jolens. But you have to wear it, masisira ‘pag hindi eh. Love you.”