IKASISIYA ng mga motorista ang pagbaba ng presyo ng petrolyo ngayong linggo matapos ang tatlong linggong magkakasunod na pagsipa nito.
Sa magkakahiwalay na abiso, inanunsiyo ng SEAOIL Philippines Inc., Chevron Philippines Inc. (Caltex), at Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang rollback sa presyo kada litro ng gasoline sa P0.70, diesel ng P1.00, at kerosene ng P1.25.
Ipatutupad naman ng Petro Gazz, PTT Philippines Corp., Unioil Petroleum Philippines Inc., at Phoenix Petroleum Philippines Inc. ang kaparehong adjustments maliban sa kerosene.
Ipatutupad ng SEAOIL ang kanilang adjustments alas-12:01 ng madaling araw ngayong Martes, Hulyo 24, habang ang ibang kompanya ay magpapalit ng presyo ng petrolyo alas-6:00 ngayong umaga. Ang ibang kompanya ay hindi pa nakapag-aanunsiyo ng kanilang pagbabago ng presyo ng langis ngayong linggo.
Nagpatupad na ang Unioil ng pagbabago ng kanilang presyo simula pa kahapon, Lunes, ika-2 ng hapon.
Ayon sa datos ng Department of Energy, ang presyo kada litro ng diesel sa kasalukuyan ay nasa P40.70 hanggang P46.50, at ang gasolina ay mula sa P48.35 hanggang P59.62.
Comments are closed.