MAGKAHALONG dati at bagong imports ang magpapakitang-gilas sa PBA Governors’ Cup.
Sina Justin Brownlee, KJ McDaniels, Michael Qualls, Jonathon Simmons, at Erik McCree ay kabilang sa mga pamilyar at bagong mukha na sasabak sa season-ending conference.
Muling maglalaro si Brownlee para sa Barangay Ginebra upang idepensa ang kanilang korona, habang tatapusin ni McDaniel ang unfinished business sa Bolts makaraang mabigong makapuwesto sa playoffs sa Commissioner’s Cup.
Samantala, isusuot ni Qualls ang uniporme ng Rain or Shine sa pagkakataong ito matapos na maglaro para sa NorthPort Batang Pier sa 2019 edition ng conference.
Magbabalik din si Shawn Glover sa Blackwater, gayundin si Du’Vaughn Maxwell para sa Phoenix. Ang dalawang imports ay nag-debut sa PBA noong nakaraang taon.
Samantala, pangungunahan ni Simmons ang mga bagong mukha sa batch na ito ng mga import, kung saan maglalaro siya para sa NLEX.
Ang 33-year-old na si Simmons ay dating naglaro para sa San Antonio Spurs, Orlando Magic, at Philadelphia 76ers.
Si McCree, isang European League veteran, ay kinuha ng Magnolia, habang sasandal ang Converge kay Ethan Rusbatch, miyembro ng New Zealand Tall Blacks, na dalawang beses na tinalo ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian qualifier noong nakaraang taon.
Makikipagsapalaran naman ang powerhouse San Miguel at TNT kina young guns Marcus Weathers at Jalen Hudson, ayon sa pagkakasunod.
CLYDE MARIANO