HALOS nakasisiguro na si Filipino Japanese Kiyomi Watanabe, ang top female judoka ng bansa, na magkuwalipika sa Tokyo Olympic Games sa susunod na taon.
Ayon kay Philippine Judo Federation president Dave Carter, ang top 26 judokas lamang sa mundo sa bawat weight class ang makakapasok sa Tokyo Olympiad sa 2020.
Sa kasalukuyan, si Watanabe ay ranked 23th sa world ranking sa women’s -63kgs at ang kailangan na lamang niyang gawin ay ang lumahok sa lahat ng nalalabing Olympic qualifying tournaments upang mapanatili ang kanyang ranking.
Sinabi ni Carter na malaki ang tsansa ni Watanabe na direktang magkuwalipika sa Tokyo summer games dahil ilang bansa ang may mahigit sa isang judoka sa top 26 ng women’s 63-kilogram division at ang bawat bansa ay maaari lamang magpasok ng isang lahok sa bawat weight class sa Olympics.
Aniya, ang Japan ay may apat na judokas sa top 26 habang ang Great Britain ay may tatlo. Ang ibang bansa tulad ng Netherlands, Slovenia, China at Brazil ay may mahigit sa isa.
Si Watanabe ay sasabak sa Osaka World Championships sa susunod na buwan bago ang 30th Southeast Asian Games na siyang huling Olympic qualifying para sa taon.
Nakatakdang lumahok si Watanabe sa tatlo pang qualifying tournaments sa susunod na taon bago ang cut off sa Hulyo.
Kumpiyansa si Carter sa tsansa ni Watanabe na matupad ang kanyang pangarap na sumabak sa Olympics, lalo na’t suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagpondo sa kanyang training at international competition at ang pagbuo ng TEAM WATANABE upang suportahan ang kanyang pagsasanay sa sports science experts.
“Slots in the Tokyo Olympics are our bigger targets,” wika ni PSC Chairman William Ramirez. “We are looking at more Filipino athletes qualifying in the Tokyo Games after gymnast Carlos Yulo and pole vaulter EJ Obiena.”
“But we should not forget that the SEA Games are also just around,” dagdag ni Ramirez. “The PSC is all out in its support to the athletes for a better placing this time as we are hosting the biennial meet.”
Target ni Watanabe, isang three-time SESA Games gold medalist sa kanyang weight class, ang ika-4 na gold medal sa biennial meet.
Comments are closed.