NAIS ni boxing icon Manny Pacquiao na hilahin ang kanyang legendary boxing career sa Paris Olympics sa susunod na taon.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, lumapit ang kampo ni Pacquiao para alamin kung paano magkukuwalipika ang dating eighth-division world champion sa Paris.
Ani Tolentino, nagsimula nang sumangguni ang POC sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at sa International Olympic Committee (IOC) na nangangasiwa sa Olympic boxing habang suspendido ang International Boxing Association.
“Senator Pacquiao’s camp reached out saying our Filipino ring idol wants to fight in Paris,” sabi ni Tolentino. “But the Senator can no longer vie for qualification in the Asian Games in Hangzhou next month.”
Ayon kay Tolentino, ang Asian Games— isang Olympic qualifier—ay may age limit para sa mga atleta sa 40-anyos sa lahat ng sports.
Si Pacquiao, 44 years old, ay maaaring mag-qualify sa Paris sa pamamagitan ng dalawang Olympic qualifying tournaments na nakatakda sa first at second quarters ng 2024.
Ang ikatlo, ayon kay Tolentino, ay ang makakuha si Pacquiao ng berth sa ilalim ng Universality rule, na ipagkakaloob ng IOC. Gayunman, may siyam na puwesto lamang sa ilalim ng Universality sa Paris Games— lima sa babae at apat lamang sa lalaki.
Kinumpirma ng isang close aide ni Pacquiao na nakahanda ang dating senador na lumaban sa Olympics at lumapit na sila kayTolentino.
Sinabi rin ni Tolentino na tatanggapin ng ABAP, sa pamamagitan ng chairman nito na si Ricky Vargas, si Pacquiao sa national team at tutulungan siya sa kanyang qualification.
Si Pacquiao ay kasalukuyang tumitimbang ng 66 kgs at kailangang mamili sa 63.50 kgs at 71 kgs na nasa Paris boxing program.
Ang mga professional boxer ay pinapayagang sumabak sa Olympics at sa Tokyo, 43 sa 186 kalahok ang professionals, kabilang si middleweight bronze medalist Eumir Felix Marcial, na tinalo ang kanyang kapwa professional na si Arman Darchinyan ng Armenia, sa quarterfinals.
Bago ang Tokyo, naitala ni Marcial ang kanyang unang professional victory— unanimous decision kontra American Andrew Whitfield noong December 16, 2020, sa Los Angeles.
Nagpasya si Marcial na iantala ang kanyang ika-5 professional fight sa September at magpopokus sa kanyang pagbabalik sa Olympics sa pamamagitab ng Hangzhou kung saan lalaban siya bilang isang light heavyweight.