MAKARAAN ang matagumpay na kampanya ng bansa sa katatapos na 30th Southeast Asian Games, umaasa ang Philippine Sports Commission (PSC) na madadala ng mga atletang Pinoy ang kaparehong lebel ng performance sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Ayon kay Marc Velasco, national training director ng Philippine Sports Institute (PSI), matapos na makamit ng bansa ang overall crown sa SEA Games, nakatuon naman ngayon ang atensiyon ng PSC sa Olympics.
At ang pagwawagi ng Filipinas ng record number ng mga medalya sa biennial meet, kabilang ang 149 golds, upang makopo ang overall championship makalipas ang 14 taon, ay lalong nagpataas sa kumpiyansa na marami pang Pinoy ang magkukuwalipika sa 2020 Summer Games.
“We firmly believed that we will be able to carry over ‘yung efforts and ‘yung energy ng ating mga athletes. We are still very high sa ating success, kaya we believed we might have a big contingent in Tokyo,” wika ni Velasco, na kinatawan si Team Philippines Chef de Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez sa session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel-Manila.
“An Olympic medal is better than a SEA Games medal. So, andoon muna ‘yung energy, ‘yung focus ng PSC, to provide for the athletes to be able to qualify for the Olympics.”
Sina World gymnastic champion Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena ang dalawang Filipino athletes na pasok na sa Tokyo Games, kung saan marami pa ang kumakatok sa pintuan, kabilang sina Rio De Janeiro Games silver medal winner Hidilyn Diaz, judoka Kiyomi Watanabe, skate-boarder Margielyn Didal, world boxing champion Nesthy Petecio, World Boxing Championship silver medalist Eumir Marcial, at ilan pa sa athletics, swimming, fencing, golf, at taekwondo.
Si Yulo and Co. ay pawang gold medal winners sa SEA Games kung saan pinangunahan nila ang pagsikwat ng bansa sa overall title na huli nitong hinawakan noong 2005. CLYDE MARIANO
Comments are closed.