OMBUDSMAN OFFICE SA NAIA BINAKLAS

NAIA

DISMAYADO  ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pagkakatanggal ng sangay ng opisina ng Ombudsman sa nasabing paliparan kung saan sila nagrereklamo laban sa ilang mga tiwaling tauhan ng paliparan.

Ayon sa ilang pasahero na hindi nagpapabangit ng pangalan, nagsasadya pa sila sa main office ng ahensiyang ito sa Quezon City kapag mayroon silang isasangguni tungkol sa kanilang mga problema, ngunit mas mainam sana kung sa mismong airport ay mayroong tanggapan ng Ombudsman.

Batay sa impormasyon na nakalap ng PILIPINO Mirror, pagpasok ng taong 2018 biglang  nagdesisyon ang Ombudsman na i-recall ang lahat ng kanilang mga tauhan sa NAIA bunsod sa kakulangan umano ng tauhan sa kanilang main office.

Matatandaan na nagtalaga ang Ombudsman ng kinatawan sa NAIA terminal 1 upang mapabilis ang serbisyo para sa mga nagnanais maghain ng reklamo o manghingi ng payo sa kanilang mga tauhan.

Ngunit sa hindi inaasahan ay biglang ina­lis ang kanilang mga kinatawan sa NAIA  nang walang abiso sa publiko at maging ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ay walang nagawa .

Ang pagkakatanggal ng opisina ng Ombudsman sa NAIA ay isang dagok sa pamahalaan sapagkat talamak pa rin ang korupsiyon partikular na sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa halip na maghain ng reklamo ay nananahimik na lamang kaysa gumastos ng malaki sa pagpapabalik-balik sa Quezon City.

Pinangangambahang maaapektuhan ang pangunahing programa ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa korupsiyon sa mga ahensiya ng gobyerno lalo na sa hanay ng BOC ngayong inalis na ang Ombudsman office sa NAIA.     FROI MORALLOS

Comments are closed.