OMICRON KUMALAT NA SA 15 LUGAR SA NCR

LABINLIMANG lugar sa Metro Manila ang may mga kaso na ng mas nakahahawang Omicron variant ng COVID-19.

Ito’y ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea De Guzman, gayunman hindi nito tinukoy ang mga lugar na may local Omicron cases.

Na-detect din aniya ang naturang variant sa 16 rehiyon sa bansa.

Batay sa latest Genome Sequencing, lumalabas na ang Omicron ang predominant variant sa rehiyon.

Sinabi pa ni De Guzman na ang nasabing variant ang dahilan ng pagtaas ng COVID cases gayundin ang tumaas na mobility ng publiko at pagkaantala sa pag-detect at isolation ng mga kaso.

Samantala, iniulat ni Health Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte na nanatili sa critical risk ang Metro Manila at limang rehiyon dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.

Sa Talk to the People, inihayag ni Duque na bukod sa Metro Manila nasa critical risk din ang Cagayan Valley, Ilocos Region, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at Central Luzon.

Bagama’t nasa critical risk, sinabi ni Duque na bumagal naman ang growth rate of infections.

Panalangin naman ni Pangulong Duterte na hindi na sana dumami pa ang matatamaan ng virus.