Lahat tayo ay nakaranas ng mga nakaka-stress na sitwasyon sa trabaho, mula sa pagkakaroon ng demanding na boss, hindi makatotohanang expectations mula sa atin, hanggang sa mga katrabahong mahirap pakisamahan at mga suliranin sa pagco-commute. Ang mga problemang dulot ng trabaho ay madalas makaapekto sa ating mental health at pangkalahatang kalusugan. Dahil na rin sa haba ng panahon na ginugugol ng bawat manggagawa sa lugar ng trabaho—halos 90,000 na oras o katumbas ng halos one-third ng buhay ng isang tao.
Ayon sa World Economic Forum, higit sa isa sa sampung manggagawa ay lumiliban sa trabaho dahil sa anxiety, depression, o burnout. Bukod pa sa mga isyu tungkol sa work-life balance, ang mga personal na problema, suliranin sa kalusugan, at mataas na cost of living ay maaaring magpalala sa nakakaawang kalagayan ng maraming manggagawa.
Pagkatapos ng pandemya, kung saan ang mga tao ay nakaranas ng tinatawag na collective trauma, ang pagbabalik sa trabaho ay naghatid ng mga isyung may kaugnayan sa mental health na talaga namang lubhang nakakaapekto sa productivity sa opisina o lugar ng paggawa. Ang mga isyung ito ay humahantong kung minsan sa absenteeism at quiet quitting, na parehong napatunayang nakakasama sa negosyo ng mga employer o namumuhunan.
Dahil dito, mas maraming mga organisasyon ngayon ang nagnanais na alagaan ang kalusugan ng kanilang mga empleyado. Pinaigting ng COVID-19 pandemic ang kamalayan ng mga employer patungkol sa kanilang papel at responsibilidad sa pagtugon sa mga problema sa mental health ng kanilang mga manggagawa.
(Itutuloy…)