ISANG taon matapos mahirang sa Bureau of Customs (BOC) at balaan ang mga tiwaling opisyal at kawani ng kagawaran na magpapatupad ito ng ‘One-Strike Policy’ ipinataw na rin ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang nasabing alituntunin sa mga BOC collector na nabigo sa kanilang buwanang collection target.
Ngayong Hulyo, naghihintay na lamang ng order mula sa BOC ang mga District Collector na sina Vener Baquiran ng Manila International Container Port (MICP) at Segundo Sigmundfreud Barte ng Port of Subic para sa kanilang pagkakasibak dahil sa kabiguang kolektahin ang kanilang mga monthly collection target.
Apat na buwang hindi naabot ng MICP ang target collection nito mula noong Marso hanggang Hunyo. Dahil dito, nakaambang masibak sa puwesto ang mga collector na sina Balmyrson Valdez at Marites Martin.
Nauna nang naglabas ng kautusan si Lapeña sa lahat ng mga district collectors for assessment, lahat ng hepe ng formal entry di-vision at lahat ng examiner na maging responsable sa mga target collection na nakaatang sa kanilang mga balikat, kasabay ng babala na ang mga mabibigo sa koleksiyon ay sisibakin, papalitan at ililipat ng puwesto.
Ang kautusang ito ay kaugnay sa “five-point reform plan” ni Lapeña na isinumite nito sa Department of Finance noong Setyembre ng nagdaang taon na kinapapalooban ng (1) pagsupil sa katiwalian, (2) pagpapataas ng koleksiyon, (3) pagpapabilis ng kalakalan, (4) pagpapalakas ng mga hakbang laban sa smuggling, at (5) pagpapabuti ng mga insentibo, sistema sa pabuya at iba pang benepisyo ng mga kawani ng BOC.
Upang palaguin ang koleksiyon ng ahensiya, sinabi ni Lapeña na aapurahin nito ang koleksiyon at pagpapawalang-bisa sa mga “outstanding and demandable bonds,” ipag-uutos ang karagdagang pangongolekta ng taripa, buwis at mga multa mula sa post audit, agarang pagsusubasta ng mga kargamento at nakabinbing mga container, at ang pagpapatupad ng ‘one strike policy’ laban sa mga opisyal na mabibigong maabot ang kanilang buwanang collection target dahil sa mali o kulang na balwasyon sa mga kargamentong pumapasok sa kanilang mga hurisdiksiyon.
Hindi lamang ang MICP at Subic ang nabigong abutin ang kanilang mga buwanang target na koleksiyon mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon. Ang iba pang mga nagtala ng mababang koleksiyon ay ang Port of Manila, Batangas Port, Ninoy Aquino International Airport, Surigao Port, Zamboanga Port, Port of Iloilo, at ang Port of Legazpi.
Pagkatalaga pa lamang nito sa BOC noong Agosto 2017, nangako na si Lapeña na ipatutupad ang mga kautusan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na “pigilin ang katiwalian at palakihin ang koleksiyon” ng ahensiyang kilala bilang isa sa pinakatiwaling tanggapan sa buong burukrasya.
“Bilang pagtalima sa kautusan ng Pangulo, makakaasa ang lahat sa malawakang pagbabago sa BOC. Uunahin muna natin ang unang mandato: katiwalian. Kapag napagtagumpayan natin ito, susunod nang lalago ang koleksiyon bilang resulta nito.”
Ang ‘One Strike Rule’ sa mga tiwaling kawani ng BOC ay nakapaglambat na ng mahigit 100 mga taga-BOC na agad sinibak sa ahensiya. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.