(One Town, One Product Philippines Act lusot na sa Senado) MALILIIT NA NEGOSYO PALALAKASIN

APRUBADO na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang One Town, One Product (OTOP) Philippines Act, na magpapatibay sa isang OTOP program na magbibigay sa micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs) ng komprehensibong pagsuporta at hihikayat ng pansin para sa mga tinatawag na “untapped potential” ng mga lokal na produkto ng bawat bayan sa bansa.

“Ang MSMEs, na tinaguriang ‘backbone of Philippine economy’, ay may mahalagang papel sa pagpapausbong ng ekonomiya at paglikha ng mga trabaho. Kasunod ng pag-apruba natin sa OTOP Act, malapit na nating maisakatuparan ang ating layunin na palakasin pa ang mga MSME tungo sa pag-unlad ng mga kanayunan,” sabi ni Senador Sherwin Gatchalian.

Ang panukalang batas, kung saan co-author at co-sponsor si Gatchalian, ay naglalayong i-institutionalize ang isang OTOP program na magtataguyod ng mga MSME sa pamamagitan ng pagbuo at pagsulong ng mga lokal na produkto at serbisyo na kilala at nakaugat na sa kultura ng isang bayan o rehiyon sa bansa.

Batay sa mga pagtatantya gamit ang datos ng Philippine Statistics Authority 2006 gross value added (GVA) para sa MSMEs bilang baseline, ang sektor ay nakapag-ambag na ng GVA na P2.3 trilyon noong 2021. Sa parehong taon, nagbigay rin ang sektor ng 5.5 milyong trabaho o humigit-kumulang two-thirds ng kabuuang workforce ng bansa, sabi ni Gatchalian.

“Sa pagkilala sa mahalagang papel ng sektor ng MSME, ang panukalang ito ay higit na magbibigay-daan sa koordinasyon ng ating mga local government units, national government agencies, at pribadong sektor upang mapabuti ang kalidad at competitiveness ng ating mga exports at domestic products,” paggigiit ni Gatchalian.

Ayon sa kanya, ang epekto ng panukalang OTOP ay higit pa sa pagsulong ng mga produktong pangkultura at mga katutubong materyales dahil layon din nitong bigyang pansin ang hindi pa nagagamit na lokal na potensyal ng mga produkto na kailangang matuklasan at suportahan.

“Halimbawa na lang dito ang mga produkto ng Valenzuela City. Nakilala man ang aming lungsod bilang ‘Industrial City’ ay ipinagmamalaki rin ng mga Valenzuelano ang mga produktong tulad ng ‘Oh So Health’ fruit crisps, at maging ang handicraft products katulad ng eco-bayong,” aniya.

Ang panukalang batas ay magtatatag ng OTOP Philippines Trustmark bilang isang garantiya ng pagiging mahusay ng mga produkto at serbisyong sariling atin. Aatasan din nito ang ilang ahensiya na magtayo at maglaan ng mga espasyo para sa pagtatatag ng OTOP Philippines Hubs, gayundin ang paglikha ng OTOP Program Office sa bawat LGU. VICKY CERVALES