NAPAPANAHON na ang online services ng gobyerno kaya isang panukalang batas ang inihain ni Senadora Grace Poe upang isulong ang e-governance na magpapabilis sa pagtugon sa pangangailangan ng mga pangkaraniwang mamamayan.
Ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services, layunin ng Senate Bill No. 1683 na madaling makapaghain at makatanggap si Juan Dela Cruz ng personal claims o dokumento sa pamamagitan ng maasahang online government system.
“It is only proper to be assured of the transparency and efficiency of a government that is just a click away from its citizens,” ayon kay Poe, at idinagdag na kung may serbisyo ang isang ahensiya na puwedeng hingin kahit nasa loob ng tahanan, ang mga senior citizen at buntis, halimbawa, ay hindi na kailangan pang magdusa.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Poe na kailangan ng Filipinas ang mga imprastrukturang magbibigay konektibidad sa bansa upang maisakatuparan ang adhikaing ito.
“Now is the best time to ramp up initiatives to give Filipinos fast and reliable internet connection to truly enable them to shift to online transactions with national agencies and local government units,” giit ni Poe.
Sa ilalim ng panukala ni Poe, kailangang ipatupad ang interoperability [sec. 3 (e)] o ang sama-samang kapasidad ng gobyerno na magkaroon ng standardized na operasyon online.
“The government should be able to address queries and concerns interactively through capable online staff supporting an extensive, up-to-date list of FAQs (frequently asked questions and answers),” ani Poe.
Sinabi pa ni Poe na kailangang pagsama-samahin ang lahat ng business related-transaction sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang mapabilis ang pagkuha ng mga permit at lisensiya [sec. 5 (4)].
Layunin din ng panukala na bumuo ng real-time services [sec. 5 (6)] sa procurement process na kinabibilangan ng bidding at iba pa.
Inaatasan din ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa naturang panukala na gawing integrated ang lahat ng payment system upang maging episyente ang financial system [sec. 5 (5)].
Kailangan din ng kaukulang security measures na ilalatag upang pangalagaan ang publiko laban sa pagnanakaw ng datos [sec. 5 (6.3)] tulad ng proteksiyon sa computer network laban sa hindi awtorisadong paggamit at encryption ng personal data.
“The call for digital transformation in delivering service is more urgent now in the time of pandemic – when mobility is hampered, physical interactions are minimized, and having access to government services in the safety of our homes is more crucial than ever,” dagdag pa ng senadora. VICKY CERVALES
Comments are closed.