ISUSULONG ng kampo ni Senadora Leila M. De Lima ang pagkakaroon ng “on line community jamming” bilang pagdiriwang ng kanyang ika 61-kaarawan ngayon sa loob ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City bilang bilanggong political.
Pinamagatang Leilaya! Tinig at Musika para sa Diwang Malaya ang naturang aktibidad ay mapapakinggan sa Radyo Katipunan 87.9FM, at mapapanood din sa Facebook livestreaming ng Free Leila de Lima Movement, Leila de Lima, Free Leila Committee ngayong Agusto 27, sa pagitan ng 8:00 hanggang 11:00 ng gabi.
Makikibahagi rito sina Vice President Leni Robredo, Senador Kiko Pangilinan, Senadora Risa Hontiveros at marami pang mga kilalang lider.
Kabilang din sa mga magtatanghal sina Ebe Dancel, Bayang Barrios, Bituin Escalante, Ria Atayde, Miko Morales, Juan Miguel Severo, Angel Aquino, Michael de Mesa, at iba pang de-kalibreng musikero. Inaasahang din ang mga mensahe nina Archibishop Soc Villegas, Bishop Ambo David at marami pang reliehiyoso at civil society leaders.
Si De Lima ay kinikilalang pinakamatinding kritiko ng administrasyong Duterte. Noong Pebrero 24, 2017, ipinakulong si De Lima dahil sa mga kasong isinampa laban sa kanya batay sa mga testimonya ng mga convicted witnesses.
Hayagan ang pagbatikos sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga kaalyado nito matapos pangunahan ng senadora ang imbestigasyon sa Senado ukol sa extrajudicial killings.
Umani rin ng suporta para mapalaya si De Lima mula sa mga pandaigidigang organisasyon at mga bansang naniniwalang gawa-gawa at imbento lamang ang mga akusasyon laban sa senadora.
Comments are closed.