‘ONLINE PALENGKE’ NI ATE MILET PATOK SA MGA MAMIMILI

HINDI lang paglalako sa palengke kundi pang “online palengke” din ang mga paninda ng mag-asawang online seller na nakilala ko mula pa sa bayan ng General Trias, Cavite.

Si Ate Emelita Alarcon kilala sa katawagan na Ate Milet, 49-anyos at ang mister na si Kuya Pepito Alarcon, 44-anyos at may dalawa silang anak. Tubong Samar si Ate Milet pero sa Maynila siya lumaki na kasaluku­yang naninirahan sa Sunny Brooke 1 San Francisco, General Trias Cavite.

Aniya, matagal na sila sa pagtitinda ng iba’t ibang produktong tatak Pinoy na kanilang inilalako sa palengke at sa online.

Bago pa man magka-pandemya, nagtitinda na sila ng lutong-ulam, pinasok din nila ang pagbebenta ng mga pabango sa online kasama na ang pagbebenta ng mga paso na talaga namang tinangkilik ng kanilang mga mamimili.

Nang tumama ang pandemya sa bansa, unti-unti itong humina at tulu­yang huminto sa pagtitinda ng ilang produktong kanilang inilalako.

Hanggang sa pinasok na nga ng mag-asawa ang pagbebenta ng mga frozen food at cold cuts sa online. Halos dalawang taon na nila itong tinatrabaho at masaya sila sa napiling hanapbuhay na pinanghuhugutan nila ng kanilang mga pangangailangan sa araw-araw na gastusin.

Aniya, frozen meats at cold cuts ang kanilang inilalako sa palengke at online na swak sa mga tapsihan, paresan, restoran, lugawan, street vendor at sa mga mamimili na walang oras na pumunta ng palengke.

Kung naghahanap ka ng Beef trimmings, Pata front hocks, Beef forequarter, Beef fats, Chic­ken neck at marami pang iba, available ‘yan kina ate Milet.

At dahil sa mahal ang puwesto sa palengke, minabuti nilang ibenta ito sa online at pinagtiyagaan ang pagpo-post doon ng kanilang mga produkto at talaga namang customer na ang lumalapit sa kanilang sariling Facebook page para mag-order na hindi rin ganun kadaling gawin dahil sa matinding kompetisyon sa online.

Sa kagaya nila Ate Milet at Kuya Pepito na online seller ng mga produktong inaangkat lamang at kanilang pinapatungan ng kaunting porsyento.

Apektado rin sila sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin na sobrang nagpapadapa sa kagaya nilang maliit na negosyante na nagsusumikap iangat ang estado ng pamumuhay. May pagkakataon din na sila na ang kumukuha ng mga produktong inaangkat at inihahatid sa kanilang mga customer.

Para kay Ate Milet, hindi madali ang pagbebenta online lalo pa’t lumalawak na ang kompetisyon dito.

Ngunit, naniniwala si Ate Milet na kung ano man ang sinimulan ay huwag raw ito basta susukuan bagkus, isipin ng maraming beses ang advantage ng ibinebenta at advantage sa pagnenegosyo, mas maging matatag ka pa at kumapit sa iyong pinaniniwalaang prinsipyo sa buhay at ang pananalig sa Diyos na talagang masusubukan sa iyong pagnenegosyo.

Aniya, kailangang paghirapan ang lahat para magtagumpay sa pinasok na negosyo at matuto sa paggamit ng social media kung paano mo mahihikayat ang iyong target market o customer gamit ang online platforms na ito.

Dapat din alamin kung paano ito didiskartehan gaya ng mga pakulo o freebies na kanilang mapapansin at huwag na lang iisipin na malulugi bagkus, isipin kung paano makakaimpluwensya sa online customers mo. Tiyak makakabenta ka!

Hindi man mapansin ang iyong produkto sa online sa ngayon, ang mahalaga may ginagawa kang hakbang sa iyong sariling estilo ng pagbebenta, tradisyunal man ito o sa online.

Ika nga ni Ate Milet, “Tuloy-tuloy lang, ‘wag hihinto kahit hindi napapansin ang mga post mo sige lang hangga’t may umoorder sa’yo, tuloy ka lang.” REX MOLINES