BUNSOD ng dumaraming reklamo mula sa mga mamimili, gayundin ng pagkakadiskubreng nagagamit maging sa bentahan ng drug paraphernalia ang internet transaction, pinangunahan ng House Committee on Trade and Industry ang isang pagdinig sa lumalawak ngayon na sektor ng online selling sa bansa.
Sa isinagawang Congressional probe kahapon na pinamunuan ni Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, chairman ng nasabing komite, binalingan niya ang lahat ng online platform operators sa kawalan umano ng mga ito ng mahigpit na pagbabantay at pagsala sa kani-kanilang sellers o merchandisers.
“Online platforms must exercise due diligence with regards to its merchants and not pass off the responsibility to law enforcement agencies to run after people who are behind these online illegal activities,” wika ni Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, base sa report ng Department of Trade and Industry (DTI), gayundin ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP), kumpara noong nakaraang taon, sa pag-iral ng community quarantine ay biglang tumaas ang bilang ng mga kaso na may kaugnayan sa online fraud, internet scams, fake online bookings, kasama na ang sale/distribution ng illegal drugs sa online o social media.
“We met with the members of the Anti-Cybercrime Group of the Philippine National Police and the Consumer Protection Group of the Department of Trade and Industry and we were informed that they have collectively received over 14,869 complaints as of October 2020. It is very sad that these numbers have been steadily increasing since we started monitoring consumer complaints back in April,” sabi pa ni Gatchalian.
Subalit ang mas ikinaalarma ng kongresista ay ang lumabas na impormasyon matapos ang isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan kung saan nabisto na maging sa dalawang kilalang online shopping sites ay inilalako ang ilang illegal drugs paraphernalia.
“Based on the information from the arrested suspects gathered by PDEA, some drug paraphernalia such as water pipe and glass tooters were bought from the country’s two leading online shopping sites. The PDEA has already requested the admnistrators of these shopping sites to take down all listings of drug paraphernalia,” anang senador.
Dahil dito, umaasa ang Valenzuela City lawmaker na sa lalong madaling panahon ay ganap nang maaprubahan ang iniakda niyang House Bill 6122, na naglalayong magpatupad ng mahigpit na regulasyon sa local internet economy at magbigay ng mabigat na responsibilidad sa panig ng online selling platforms bilang pagtataguyod na rin, aniya, sa kapakanan at proteksiyon ng mga consumer. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.