ONLINE SERVICES NG PQUE LGU PINAIGTING

Parañaque

BINIGYAN ng kapasidad ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang isa sa mga leading software solutions company sa bansa na Multisys Technologies Corp. na siyang magpapalakas sa serbisyo online na ipagkakaloob sa publiko sa gitna ng nararanasang pandemya na dulot ng COVID-19.

Ang pagkuha sa serbisyo ng Multisys Techno­logies Corp. ay nakapaloob sa City Ordinance Number 2020-05 na maglalagay ng Electronic at Online Payment Collection System na makapagbibigay sa mga residente at negosyo sa lungsod ng cashless, contactless at paperless na transaksyon sa lokal na pamahalaan.

Sa pagpapatupad nito ay magiging kompor­table na ang mga residente at negosyante sa lungsod na makipagtransakyon at magbayad ng kanilang business taxes sa online sa pamamagitan ng Parañaque Business Permits at Licen­sing System.

Sa mga darating na buwan, ang pagbabayad ng real property tax, local civil registry, community tax certificate (cedula), clea­rances, health certificates at iba pang pre-requisites sa gobyerno ay makukuha sa naturang sistema.

Kasabay nito, mas pinalakas pa ng lokal na pamahalaan ang kanilang No Contact Apprehension Site na magagamit na rin sa mga darating na panahon kabilang ang iba’t-ibang online payment options ng mga motoristang mayroong notice of violation (NOV).

Sa mga mayroong NOV ay ita-type lamang ng motorist ang plate number o conduction sticker ng kanilang sasakyan para ma-verify kung may paglabag sa trapiko.

Ang aktwal na kopya ng NOV ay idi-deliver at kapag ito ay natanggap na ng lumabag sa trapiko na motorista ay may option na itong magbayad online para sa kaukulang multa sa pamamagitan naman ng “Multipay” E-payment facility.

Samantala,pinaplano na rin ng lokal na pamahalaan ang paglalagay ng kiosk machines sa mga designated area sa city hall at iba’t-ibang tanggapan sa lungsod tulad ng barangay halls at pribadong establisimiyento.

Gumagawa ang lokal na pamahalaan ng inisyatibo upang ang lahat ng mga transaksyon sa lungsod ay maging ligtas, magkaroon ng mas madaling transaksyon at mas madali ring puntahan.

Sa mga nakaraang taon, ang Multysis na naging katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng makabagong teknolohiya ay nagpakita ng pagka-eksperto sa pag-abante at transpormasyon ng iba’t-ibang lungsod at munisipalidad patungo sa pagiging isang Smart City.

Ang proyektong Smart City ay isang flagship program na inilunsad noong 2019 upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan o local government units (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno na mabigyan ng konbinyente at episyenteng online services para sa lahat.

Nakatakdang maglabas ang Smart City ng kaha­lintulad na teknolohiya sa mahigit 50 LGUs sa buong bansa. MARIVIC FERNANDEZ

259 thoughts on “ONLINE SERVICES NG PQUE LGU PINAIGTING”

Comments are closed.