LAGANAP ngayon ang online sports dahil ipinagbabawal pa rin ang paglabas ng mga kabataan dahil sa COVID-19 pandemic.
Upang mapawi ang pagkainip ng mga kabataan, lalo na yaong aktibo sa palakasan, nagsagawa ang Milo Home Court ng digital sports learning program kung saan kahit nasa loob lang sila ng kanilang tahanan ay magiging ganap na professional na atleta ang kanilang galaw sa tulong ng mga coach mula sa interactive training.
Ayon kay coach Igor Mella ng Philippine Taekwondo Association, posibleng mahusay pa ang isang bata kahit sumisipa lang ito sa pader dahil sa kanyang kakulitan at mabibigyan ng tamang gabay ng isang coach mula sa online training ng MHC.
“Baka mahigitan pa niya ang sipa ng mga sumasabak sa aktuwal na torneo, diyan kasi sila nagsisimulang mahasa,” pahayag niya nang maging panauhin sa TOPS Usapang On Air kahapon via Zoom.
Makabubuti ang digital sports interactive na inilunsad ng sports drink noong nakaraang linggo sapagkat maipagpapatuloy ng mga magulang ang paggabay kasabay ng mga natututunan ng bata sa sports clinic na bagong mga kaalaman at teknik sa larangan ng palakasan. Ito ay kahit na tatlong beses lamang sa isang linggo ang iskedyul ng bata.
“Stay at home ang mga bata, pero mga active pa rin ang mga ‘yan at hindi puwedeng pigilan sa gusto nilang sabakan na sports,” ayon kay Lester P. Castillo, Assistant VP ng Nestle Phils-Milo.
Sa mga magsisimula pa lamang, may 9 na sports na kabilang sa programa — arnis, badminton, basketball, football, gymnastics, volleyball, taekwondo, tennis at karate.
Tinugon ng Milo ang pangangailangan ng bata upang manatiling aktibo at makapaglalaro kahit sa loob ng bahay at malayo sa sakit.
“But also instills valuable life lessons that their kids grow into well-rounded individuals,” dagdag ni Castillo.
Kasama si 2019 SEAG gold medalist taekwondo Pauline Lopez bilang brand ambassador ng digital platform na ito ng Milo na itatampok sa interactive videos ng grassroots program.
o0o
May NBA nang mapapanood ang ating mga kababayan. Siguradong sabik ang lahat na mahilig manood ng NBA. Mapapanood ito nang libre sa Cignal.
o0o
Sa pinagsamang puwersa ng Games and Amusements Board (GAB) at QCPD-DSOU, apat katao ang nadakip sa ilegal na sabong sa Purok 3, Area 5, Laura Street, Quezon City, kamakailan.
Ang operasyon ay bunsod ng inisyatibo ng GAB-Anti-illegal Gambling Unit (GAB-AIGU) sa pangunguna nina GAB Chairman Abraham Kahlil ‘Baham’ Mitra, Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, bilang pagsuporta ng ahensiya sa direktiba ng pamahalaang nasyunal na ipagbawal ang lahat ng uri ng sugal, kabilang ang sabong sa kasagsagan ng pandemic kung saan mahigpit na ipinatutupad ang physical distancing para hindi magkahawaan.
Ang GAB ang ahensiya ng pamahalaan na nagre-regulate ng pagsasagawa ng international derbies sa bansa at siyang licensing agency sa mga opisyal ng sabong tulad ng mananari, sentenciador at manggagamot. Nagbabala ang GAB na tatanggalan nito ng lisensiya ang mga mananari, manggagamot at sentenciador na mahuhuling nakikisali sa ilegal na tulad ng mga nahuling pasaway.
Ang mga nadakip at mga ebidensiyang nakuha ay kasalukuyang nasa kamay ng QCPD-DSOU. Ang mga nadakip ay sasailalim sa booking procedure para sa paghahanda ng isasampang kaso.
Comments are closed.