ONLINE TRANSACTIONS SA GOV’T APRUB NA SA KAMARA

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang E-Government Act na layong gawing electronic-based at contactless ang lahat ng serbisyo at transaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno.

Sa botong 229 affirmative at wala namang pagtutol ay lumusot na sa final reading ang House Bill 6927 o ang E-Government Act.

Layunin din ng panukala na makasunod na ang gobyerno sa ipatutupad na ‘new normal’ ngayong COVID-19 pandemic, gayundin ang mapagbuti ang ease of doing business ng bansa.

Inaatasan dito ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtatag ng isang E-Government Master Plan na isasailalim sa review kada tatlong taon.

Bahagi ng master plan ang mga pamamaraan para ma-digitize ang paper based documents at government online payment system.

Matatandaan na sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo  Duterte ay hinimok niya ang Kongreso na mahinto na ang  paper-based official transactions at pagpila ng mahaba sa mga tanggapan ng pamahalaan.               CONDE BATAC