UMALMA ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa kumakalat na fake news hinggil sa umano’y pinal na listahan ng mga kasapi ng bubuuing Bangsamoro Transition Authority na pinakakalat ngayon sa online.
Nilinaw ng OPAPP na wala pang “final and official list of appointees” para sa Bangsamoro Transition Authority.
“Hence, the list being circulated on various social media platforms is fake,” ayon sa inilabas na pahayag ng OPAP.
Nilinaw ng nasabing tanggapan na sa kasalukuyan ay nagsumite pa lamang sila ng listahan ng mga nominado sa Office of the President para pag-aralan. Ang pinal at opisyal na pangalan ng mga appointee ay magmumula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kasabay nito ay nanawagan ang OPAPP sa publiko na maging matalino at mabusisi hinggil sa mga nakikita at pinakakalat sa mga social media.
Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez, “it’s all system go” na para sa pagtatatag ng Bangsamoro government.
Inaantabayan na lamang din ng nasabing tanggapan ang mga hihirangin ng Pangulo na bubuo sa 80-member BTA.
Wala pang pinal na kumpirmasyon na makakasama ang mga kasalukuyang ARMM officials sa bubuuin transition government hanggang sa matapos ang kanilang termino sa Hunyo 30 ng kasalukuyang taon kung saan matapos na maratipikahan ang BOL ay malulusaw na ang ARMM.
Una ng lumutang ang pangalan ni Murad Ebrahim Al Haj, na pinuno ng MILF na posibleng tatayong chief minister ng Bangsamoro Transition Authority. VERLIN RUIZ
Comments are closed.