OPEN RACE SA PBA 3X3 SECOND CONFERENCE SEASON 2 GRAND FINALS

INAASAHANG magiging isang open race ang PBA 3×3 Second Conference Season 2 grand finals.

Sinabi ni tournament director Joey Guanio na sinuman sa 10 koponan na nakapasok sa grand finale sa Sabado sa Robinsons Town Hall sa Malabon ay may kakayahang magwagi ng kampeonato at ng P750,000 prize money.

“During the course of the first two seasons, iba-iba ang nananalo, e. Iba talaga yung game ng 3×3,” sabi ni Guanio nang talakayin ang unpredictability ng half court game ss Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex ground floor.

Pinangungunahan ng top seed Cavitex ang grand finalists kasama ang TNT, Platinum Karaoke, J&T Express, Barangay Ginebra, Meralco, Pioneer Elastoseal, Blackwater, San Miguel, at Terrafirma.

Nabigo ang Purefoods at NorthPort ma to qualify.

Sa pagtatapos sa Top 4, ang Cavitex, TNT, Platinum Karaoke, at J&T ay awtomatiko nang pasok sa quarterfinals, habang ang anim na iba pa ay dadaan sa pool phase, kung saan ang apat na koponan na makalulusot ay aabante sa playoffs.

Ang Cavitex at TNT ay nagwagi ng pares ng leg titles ngayong conference, kung saan nagtala ang Braves ng back-to-back sa Legs 5 at 6, habang ang guest teams J&T at Platinum Karaoke ang nagwagi ng dalawang iba pa.

Gayunman ay hindi ito garantiya na sigurado na ang apat na koponan na magwagi ng kampeonato.

“Cavitex has a good run and momentum, but of course before you get everything done in 3×3, you have to go through TNT,” sabi ni Guanio sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Pero depende talaga sa pasok ng tao, sa lineup na nilagay (ng teams), and at the same time, yung talent pool.”

Ang runner up ay tatanggap ng P250,000, habang ang third placer ay P100,000.

Ang TNT ang itinanghal na first conference grand champion.

CLYDE MARIANO