OPERASYON NG ABS-CBN MAGPAPATULOY

IGINIIT ni Senate President Vicente Tito Sotto III na posibleng magpatuloy pa rin ang operasyon ng ABS-CBN kahit na mag-expire ang prangkisa nito ngayong Marso.

Ani Sotto, bilang dating Chairman ng Public Services Committee noong 10th Congress, ang pagkakaalam nito ay magpapatuloy ang operasyon ng naturang network hanggang matapos ang 18th Congress sa 2022 kung mananatiling uupuan ito ng Kamara dahil may panukalang batas na inihain sa Kongreso.

Tinukoy ni Sotto na ang inihain ni Solicitor General Jose Calida na quo warranto petition sa Korte Suprema ay para ipawalang bisa ang kasalukuyang prangkisa ng ABS-CBN, subalit hindi nangangahulugan na kasama rito ang prangkisa matapos ang March 30, 2020 pataas.

Inihalimbawa pa ni Sotto, kung sakaling ipawalang bisa ng SC ang kasalukuyang prangkisa ng ABS-CBN ay maaari naman na mabigyan ng bagong prangkisa ng ­Kongreso ang television network.

Taliwas ito sa nauna nang sinabi ni Senate Minority ­Leader Franklin Drilon na kapag natapos ang prangkisa ng naturang network ­maaaring mag-off the air at hindi na maaaring mag-operate.

Para naman kay Senadora Nancy Binay, hindi ito pabor na matatapos na lamang ang prangkisa ng ABS-CBN  na hindi man lamang natalakay ng Kongreso.

Aniya, mahalaga na matalakay ito ng Kongreso para makita ang problema sa prangkisa at sinasabing pang-aabuso ng naturang television network.

Aminado ang senadora na kung sakaling umakyat ito sa Senado ay boboto siya pabor sa renewal  ng prangkisa ng ABS-CBN.

Nanindigan naman si Drilon na walang pananagutan ang Kamara kung hindi isalang sa pagdinig ang prangkisa ng ABS-CBN. VICKY CERVALES

Comments are closed.