OPERASYON NG RESTOS EXTENDED HANGGANG 11 P.M. NA

DINE-IN

PAPAYAGAN na ang mga restaurant na mag-operate ng mas mahabang oras at maaari nang tumanggap ng mas mara­ming dine-in customers simula ngayong araw, ayon sa bagong panuntunan na ipina­labas ng Department of Trade and Industry (DTI).

Sa ilalim ng DTI Memorandum Circular 20-39 ay pinahihintulutan ang mga food establishment na mag-operate hanggang alas-11 ng gabi sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine at modified general community quarantine, kasama ang dinagdagang capacity ng dine-in customers.

“All restaurants and fast food businesses shall be allowed to operate until 11 p.m. Thus, LGUs are enjoined to adjust curfew hours up to 12 midnight to allow greater daily turnover of dine-in services and enhance income opportunities for workers,” nakasaad sa kautusan.

Naunang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na makadaragdag ito sa sahod ng mga mangggawa dahil ang dinner meals ay kadalasang bumubuo sa  40-50 percent ng daily sales ng establisimiyento.

Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ni Lopez na ang restaurants, fast food chains, canteens, food parks at iba pang kainan sa GCQ areas ay maaari nang mag-operate sa 50 percent capacity simula ngayong araw. Ang food establishments naman na nasa MGCQ areas ay maaa­ring mag-accommodate ng hanggang 75 percent ng kanilang orihinal na seating capa­city.

Ang mga establisimiyento ay pinapayagan na ring magsilbi ng alcoholic drinks sa mga customers, sa maximum na tig-2 individual servings.

“All services and payments must be delivered as contactless as possible,  such as online menus and e-payments,” ayon pa sa DTI.

“Buffet services are allowed to resume as long as food servers will transfer food to a diner’s plate,” dagdag pa nito.

Mahigpit pa ring ipatutupad ang health at safety protocols upang maiwasan ang pag­kahawa sa COVID-19, kabilang ang pagsusuot ng face mask, temperature checks, health declaration forms at contact tracing schemes para sa customers, proper ventilation at exhaust systems, pagkakaloob ng sanitizers, regular disinfection ng mga upuan, at sapat na spacing o barriers na naghihiwalay sa  diners at iba pang lamesa.

Comments are closed.