PINAULANAN ng bala at hinagisan ng granada ng mga hindi kilalang mga suspek ang tapat ng tanggapan ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.
Tinangka pang habulin nina Cpl. Gerald Corotan at Pat. Yaweh Strero, duty police officers ng naturang tanggapan ang apat na lalaking sakay ng dalawang Yamaha NMax motorcycle na umano’y may kagagawan ng pamamaril at paghahagis ng granada subalit nakalayo na kaagad ang mga ito patungong Dagat-Dagatan.
Sa ulat na ipinarating ni Caloocan police chief Col. Ruben Lacuesta kay NPD Director Ponce Rogelio Peñones, Jr., nasa loob ng naturang tanggapan ang dalawang naka-duty na pulis dakong ala-1:30 ng madaling araw nang bigla na lamang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril na tumama sa kahoy na pintuan ng kanilang tanggapan na nasa pagitan ng opisina ng District Special Operation Unit (DSOU) at ng NPD Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na sinundan ng paghahagis ng granada sa tapat ng tanggapan na paradahan ng mga sasakyan.
Tumagos ang ilang bala sa loob ng tanggapan bagaman masuwerteng walang tinamaan sa dalawang naka-duty na pulis na nakiramdam muna sa susunod na pangyayari bago nila tinangkang habulin ang mga may kagagawan.
Nakapagresponde naman kaagad sa lugar ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 4 sa pangunguna ng deputy commander nito na si Lt Alexander Ibe na nagsagawa kaagad ng follow-up operation subalit bigo rin silang makilala at mahabol ang mga suspek.
Kabilang sa tinamaan ng bala at shrapnel ng inihagis na granada ang itim na kotseng Hyundai at isang puting Sports Utility Vehicle (SUV) na nakaparada sa harapan ng DDEU habang ilang basyo ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril ang nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa naturang lugar.
Napag-alaman na walang isinagawang operasyon ang mga tauhan ng DDEU laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga kaya’t may posibilidad na grupo ng dati ng mga nahuling drug pusher ang may kagagawan sa insidente.
Batay sa record, pinakahuling iniulat na nasakote ng mga tauhan ni Maj. Dennis Odtuhan, hepe ng DDEU na nakuhanan ng mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ay sina Samsudin Rasid at kalive-in na si Johaina Jamael, kapwa 33- anyos na nahuli sa buy-bust operation nitong Abril 23 sa Brgy. 185 sa Caloocan City.
Ayon sa isang hindi nagpakilalang residente sa lugar, ito na ang ikalawang ulit na hinagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang tanggapan ng DDEU na ang una’y naganap noon pang taong 1983.
EVELYN GARCIA