ORAS NA

KARAMIHAN siguro sa atin ay nakapanood na ng video kung saan dinalaw ni Julius Babao si Coritha sa tahanan ng kanyang kaibigan at tagapag-alaga na si Chito Santos sa Tagaytay.

Isang sikat na folk singer si Coritha dito sa Pilipinas noong dekada 80. Ilan sa mga pinasikat niyang awitin ay ang “Oras Na”, “Lolo Jose”, at “Sierra Madre”.

Ngunit nasa malungkot na kalagayan ngayon si Coritha. Kasalukuyan siyang nakaratay sa banig ng karamdaman dahil sa sunod-sunod na stroke na kanyang naranasan. Nasunog din ang kanyang tinitirhang bahay ilang taon pa lamang ang nakararaan. Kaya naman nabubuhay siya dahil na lamang sa kagandahang loob at pagmamahal sa kanya ni Chito.

Marami na rin ang naglabasang kuwento sa social media tungkol sa mga kabutihang loob na ginawa ni Coritha noong kabataan niya. Pawang mabubuti ang komento ng mga tao tungkol sa kanya, kaya naman lubos na nakalulungkot ang sinapit ng mabait at magaling na mang-aawit.

Dahil sa ginawa ni Julius Babao, marami na rin ang nagpahayag na tutulong kay Coritha. May mga konsiyerto na isinasagawa para makalikom ng donasyon para sa kanya. Maraming gastusin kaugnay ng kanyang pagpapagaling at pang-araw araw na pangangailangan. Napakarami ring mabuting puso ang nagtutulong-tulong para isagawa ang mga konsiyertong ito. Siguradong masaya si Coritha.

Kung naantig din ng kanyang mga kanta ang iyong damdamin o nais mo ring magpaabot ng tulong, iisang numero lamang ang kanilang ibi­nigay para siguradong makara­ting sa kanya ang lahat ng tulong pinansiyal. Ang GCash number ni Chito Santos ay 0966-900-3365. Tulong-tulong sana tayo para sa mabilis na paggaling ni Coritha, sa pangalan ng ating Diyos.