ORAS NG PAGBOTO PINAHABA

botohan

PINALAWIG  ng Commission on Elections (Comelec)  ang oras ng pagboto sa darating na midterm elections sa susunod na taon.

Ayon kay Comelec spokesperson Director James Jimenez, dinagdagan ng isang oras ang botohan kung saan ginawa na itong mula alas-6:00  ng umaga hanggang ala-6:00  ng gabi.

Ang nasabing pasiya ng ahensiya ay bunsod ng inaasahang pagtaas ng voting population na posibleng umabot sa 61  milyon kumpara sa 58 milyon noong 2016 elections.

Sa kabila naman ng inaasahang pagtaas ng mga bilang ng botante, sinabi ni Jimenez na hindi pa rin magdaragdag ng vote counting machines ang ahensiya.

Samantala, hinamon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino ang Comelec na dapat  tulungan ang mga botante para mabatid kung sinong kandidato sa 2019 midterm elections ang nangangampanya na kahit wala pang campaign period.

Una nang inamin ng Comelec na tali ang kanilang kamay para papanagutin ang mga kandidato na pumapasok sa premature campaigning.

Magugunitang sinabi ni Comelec Spokesman Jimenez sa kaniyang Twitter account na wala silang magagawa patungkol sa premature campaigning at sa halip ay hinikayat nito ang mga botante na huwag nang iboto ang mga kandidatong maagang na­ngangampanya.

Ayon sa grupo, bagama’t sang-ayon sila sa posisyon ni Jimenez,  tungkulin nito na ipaa­lam sa publiko kung sino-sinong kandidato ang lumalabag sa mga panuntunan sa halalan.

Batid naman ng grupo na walang umiiral na batas laban sa premature campaigning, ngunit hindi rin ito dapat maging palusot ng Comelec para hindi nila gampanan ang kanilang tungkulin sa bayan. KRISTA DE DIOS, JAYMARK DAGALA-DWIZ882

Comments are closed.