PLANONG isalin sa digital format ni Manila Vice Mayor Yul Servo ang lahat ng mga records, ordinansa at resolusyon ng Manila City Council simula pa noong unang itinatag ito.
Sa tala ng City Council, ang mga batas panlungsod na isasalin sa digital na paraan ay mula pa noong 1908.
“Nakakatuwa at malaking tulong sa mga kabataan o sinuman na nagre-research tungkol sa mga ordinansa o batas panlungsod kung ang mga records natin ay maisasalin sa digital format. Sa tulong ng internet, isang pindot mo lang o i-type mo lang ang code o author nung ordinance, lalabas na agad ito kung anong search engine ang ginagamit mo, tulad ng Google halimbawa,” pahayag ng bise alkalde.
Ayon kay Servo na siya ring Presiding Officer ng City Council, binibigyan niya ang kanyang sarili nang hanggang isang taon para maisakatuparan ang pagsasalin ng mga batas at records mula sa pinakaluma hanggang sa pinakabago.
Laying nito na mapangalagaan sa tuluyang pagkaluma at upang mai-preserba rin ang mayamang kasaysayan ng kabisera ng bansa.
Binigyang diin pa nito na mahalaga sa bawat mamamayan ng lungsod at maging sa mga hindi residente nito ang kaalaman sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod.
Tinukoy din na isa sa mga obsolete o hindi na akmang batas na isasalin sa digital format ay ang batas na nagbabawal na magpunta o pumasyal sa Escolta nang hindi nakasuot ng Amerikana o coat and tie. Ang Escolta ang sikat maunlad at sentro ng kalakalan noong early 1900. VERLIN RUIZ