MAKATI CITY – NAGPAALALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa lahat ng local government unit na kailangang maglabas ng ordinansa ang kanilang city council para pahintulutan ang “one-side-parking.”
Ang MMDA ay nagpalabas ng babala matapos na magdulot ng malaking kalituhan noong Lunes sa umpisa ng pagsasanib puwersa ng kanilang ahensya at ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pagsasagawa ng malawakang clearing operations para tanggalin ang mga estruktura at sasakyang nakahambalang sa daan.
Ayon kay MMDA Command Center chief, Edison Bong Nebrija, kabilang sa mga lugar na nagpatupad ng one-side parking ang Barangay Bagong Lipunan, Quezon City sa isang inner road malapit sa Camp Crame.
Ayon kay Nebrija, ang naturang ay ginawang “one-side-parking” sa kabila ng pagbabawal ng MMDA na mag-park ang mga sasakyan sa lugar at sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-clear ang mga kalsada.
“Kalsada po iyan. Wala pong kapangyarihanang barangay riyan. Maglabas sila ng kanilang resolusyon o ‘di kaya ay ordinansa. It needs to be approved by the city for the overall city traffic management plan,” pahayag ni Nebrija.
“They need to resolve it among themselves. Kung bibigyan po ng ordinansa ng city iyan, then wala kaming magagawa kundi igalang iyan. Pero kung wala, wala naman po kaming magagawa kundi ipatupad,” dagdag pa ni Nebrija.
Ipinaliwanag pa ni Nebrija na mayroong hanggang Setyembre 27 ang mga barangay at city officials para i-clear ang mga lansangan sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government. (DILG). MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.