ORIENTATION SEMINAR SA OFWs PINAIGTING NG DOLE

DOLE

MAYNILA – UPANG paigtingin ang social integration sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa bansang kanilang pupuntahan, inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga Philippine Overseas Labor Office (POLO) na i-standardize ang Post-Arrival Orientation Seminar (PAOS) na ibinibigay sa mga migranteng Pinoy.

Matapos ang Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS), ang PAOS ay nagsisilbing gabay sa mga bagong dating na OFWs upang maituro sa kanila ang profile, kultura, ekonomiya, edukasyon, batas, at working environment ng bansang kanilang papasukan.

Upang ma-standardize ang PAOS, naglabas si Bello ng Administrative Order No. 532 na nagtatakda ng content framework ng mga impormasyon sa customs, kultura, at tradisyon ng host country ng mga OFW; ang political at regulatory framework ng labor at immigration; employment contract; papel ng pamahalaan ng Filipinas; emergency service na maaaring makuha; benepisyo sa kalusugan at kaligtasan; training initiative; social support system service; at Filipino community initiative.

Inatasan na rin ni Bello ang mga POLO na magsagawa ng orientation sa mga bagong dating na OFW sa loob ng isang buwan mula sa araw ng pagdating nila sa host country.

Kinakailangan ding payagan ng mga emplo­yer at foreign recruitment agency ang mga OFW, higit lalo ang mga domestic worker, na dumalo sa seminar.

Upang mapalawak ang access ng OFW sa PAOS, ang International Labor Affairs Bureau at ang mga POLO ay nakatakdang palakasin  ang online country-specific version ng PAOS bilang supplemental platform para sa implementasyon ng programa.  PAUL ROLDAN