OTOM, SEVERINO NAGNINGNING SA 11TH ASEAN PARA GAMES

NAGNINGNING sina swimmer Angel Otom at chesser FIDE Master Sander Severino kung saan kumubra ang kanilang mga sports ng pinagsamang anim na golds upang pangunahan ang bansa sa isa sa pinakamatikas nitong pagtatapos sa 11th ASEAN Para Games sa Semarang, Indonesia kahapon.

Lumangoy si Otom ng dalawang mints para sa apat na golds ng para swimmers sa Jatadiri Sports Complex pool sa Semarang at pagkatapos ay muling pinamunuan ni Severino ang men’s squad sa sweep sa men’s P1 team at individual rapid event sa Lo-rin Hotel grand ballroom.

Ang rookie swimmer ay mayroon ngayong 3 golds habang pinalobo ni Severino ang kanyang koleksiyon sa apat kung saan ang PH para-athletes ay nakakolekta ng kabuuang 21 golds, 19 silvers at 37 bronzes upang mahigitan ang kanilang 20-20-29 tally sa 10th edition na idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2017.

“Today is a great day for our para-athletes, who have surpassed our previous best in Kuala Lumpur. I would like to offer this as a tribute to the late President Fidel V. Ramos, who urged us to form our group for para athletes way back in 1996,” sabi ni Philippine Paralympic Committee president Mike Barredo mula sa Manila.

“My hope is that we also surpass our finish of fifth overall in the medal standings with some more events remaining,” ani Barredo.

Si Otom ay runaway winner sa women’s 50-meter butterfly S5 event sa oras na 48.070 seconds, mabilis ng halos walong segundo sa 17-year-old mark na 56.80 na naitala ni R.T. Goh ng Singapore sa Manila ASEAN Para Games noong 2005.

Tinalo niya sina Vietnamese tankers Thi Sari Nguyen at Thi My Thanh Dan, na pumangalawa at pumangatlo sa oras na 1:14.150 at 1:32.460, ayon sa pagkakasunod.

Idinagdag ng 19-year-old pride ng Olongapo City ang ikalawang mint sa women’s 50-meter freestyle S5 event, kung saan nanguna siya mula simula hanggang katapusan sa oras na 41.40 seconds, na ikinagalak ng kanyang mga magulang na sina Marlou at Mila Otom, na lumipad mula sa Manila upang panoorin ang kanilang anak.

“I am so happy but it has not sunk in yet that I am the country’s first triple gold medalist,” sabi ni Otom patungkol sa kanyang outstanding achievement bilang rookie sa biennial sportsfest.

“Iba po talaga na makita namin na manalo ang anak naming si Angel. Ito po pala ang feeling na nanalo ang anak namin,” sabi ng mga magulang ni Otom na pinanood ang kanilang anak sa unang pagkakataon.

Nakopo ni Ernie Gawilan ang kanyang ikalawang gold medal nang dominahin ang men’s 200-meter individual medley SM7 sa record-breaking fashion sa oras na 2:49.530, na binura ang 14-year-old mark na 4:00.02 ni Salungyoo Rawin ng Thailand sa 2008 Bangkok Games.

Nanorpresa naman si rookie Marco Tinamisan, na kinuha ang ika-4 na mint ng swimming team nang pagharian ang men’s 50-meter freestyle S3 event sa 54.660 seconds sa outing na suportado ng Philippine Sports Commission.

Sa Manahan Stadium, nakopo ni wheelchair racer Jerrold Mangliwan ang kanyang ikalawang gold nang dominahin ang men’s 400-meter T5 race sa 1:06.20 habang pumangatlo ang kanyang teammate na si Rodrigo Potiotan Jr. (1:09.870) ngunit hindi nakakuha ng medalya dahil tatlo lamang ang kalahok sa event.

Nagkasya si Gary Bejino sa silver nang matalo kay Thailand’s Aekkharin Noithatto sa men’s 50m butterfly S6 event sa 35.440 seconds kontra 35.300 seconds ng huli bago nagwagi ng isa pang silver sa men’s 50m freestyle (34.40).

Nanalo rin ang duo nina Russel Cundangan at Mary Ann Taguinod ng silver sa J1-J2 women’s team event ng judo.