MULING inulan ng ginto ang Team Philippines sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 30th Southeast Asian Games kahapon.
Ang gold rush ng mga Pinoy sa Day 7 ng biennial meet ay tinampukan ng record-breaking performances nina EJ Obiena sa pole vault at Kristina Knott sa track and field.
Nakopo ni Obiena ang gold medal para sa Filipinas makaraang lumundag ng 5.45 meters sa finals ng men’s pole vault sa Athletics Stadium sa New Clark City.
Binura ng 24-year-old ang record na naitala ni Porranot Purahong ng Thailand sa (5.35 meters) sa 2017 SEA Games.
Sinimulan naman ni Kristina Knott ang kanyang unang SEAG campaign sa pamamagitan ng dalawang bagong records.
Una siyang nagtala ng 23.07 seconds sa women’s 200m preliminaries upang wasakin ang SEA Games records at ang three-decade long standing national record ni Lydia de Vega.
Bago matapos ang araw, binura ni Knott ang isa pang SEA Games record sa finals ng kaparehong event sa pagtipa ng 23.01 seconds.
Mainit namang sinimulan ng host country ang taekwondo competitions ng SEAG sa pagkopo ng unang dalawang ginto na nakataya sa Ninoy Aquino Stadium.
Umiskor si Rodolfo Reyes Jr. ng 8.349 upang kunin ang gold sa male recognized poomsae individual event.
Ginawang doble ni Jocel Lyn Ninobla ang selebrasyon para sa host team nang maungusan si Srisahakit Ornawee ng Thailand sa women’s poomsae individual event.
Nagtala si Ninobla ng 8.433 habang tumapos si Ornawee na may 8.432 para sa silver. Nagkasya si Vietnam’s Le Tran Im Uyen sa bronze na may 8.149.
“It was really close. I’m thankful to God for the win,” wika ni Ninobla
Ang golden double ay sinundan nina Filipino taekwondo jins Dustin Mella, Rico Mella, at Reyes nang madominahan ang men’s team poomsae sa Rizal Memorial Sports Complex.
Hindi rin nagpahuli ang soft tennis at nag-ambag sa gold medal haul ng Filipinas sa pamamagitan ni Bien Zoleta.
Tinalo ni Zoleta si Anadeleyda Kawengian ng Indonesia sa women’s individual singles final.
Samantala, dalawang gold medals ang ibinigay ng Pinoy paddlers sa host country sa pagsisimula ng rowing competitions sa ACEA Bay.
Nanguna si Cris Nievarez sa men’s lightweight single sculls isang araw makaraang madominahan niya ang time trials. Naorasan siya ng 7:34.27 makaraang gapiin si Siripong Chaiwichitchonkul ng Thailand (7:35.01) para sa gold.
Sa women’s lightweight double sculls race, nagwagi rin sina Joane Delgaco at Melcah Caballero ng gold medal sa oras na 7:24.21.
Kinuha naman ng Philippine fencing team ang gold medal sa women’s team epee makaraang mamayani sina Harlene Raguin, Hanniel Abella, at Anna Gabrielle Estimada sa Singaporean team sa finals, 45-38.
Namayagpag din ang karatedo sa pamamagitan ni Junna Tsukii na tinalo si Vietnam’s Thi Huong Dinh sa women’s 50kg kumite final.
Ang iba pang ginto ng Filipinas sa Day 7 ng kumpetisyon ay nagmula kina Francis Alcantara at Jeson Patrombon sa tennis men’s doubles, Margielyn Didal sa women’s skate-boarding, Hermie Macaranas sa canoe, Daniela Dela Pisa sa rhythmic gymnastics at Chezka Centeno sa billiards.
Hanggang alas-7:57 kagabi, ang Team Philippines ay nangunguna pa rin sa medal tally at abot-kamay na ang overall title sa nalikom na 91 gold, 69 silver at 67 bronze medals para sa kabuuang 227 medalya. Nasa ikalawang puwesto ang Indonesia na may 45-45-51 at Vietnam na may 40-46-57. CLYDE MARIANO
Comments are closed.